


MATAPOS ang anim na diretsong semifinal appearances na walang nakuhang titulo, nakamit ni Jessica Pegula ang kampeonato ng 2026 Dubai Duty Free Tennis Championships matapos talunin si Elina Svitolina,6-2, 6-4 sa kanilang isang oras at 12 minutong labanan kagabi.
Bago umusad sa kanilang championship match, isang napakahirap na panalo ang pinagdaanan ni Pegula sa kanyang ikapitong straight na semifinal appearances kontra sa bigating katunggali na si Amanda Anisimova.
“It was a great atmosphere, especially the last two nights, not only supporting me but supporting all the girls here that compete and fight so hard every single day all week,” masayang pahayag ni Pegula sa trophy presentation. “We really appreciate it. What’s most fun for us is being able to play in front of the fans, so thank you guys so much for coming out.”
Ang WTA 1000 Dubai Duty Free Tennis Championships ay ang kanyang ikasampung titulo at ikaapat naman para sa WTA 1000 level at nagluklok sa kanya bilang ikatlong Amerikana na nakasungkit ng korona ng Dubai kasama ang mga ace players na sina Lindsay Davenport at 3-time champion Venus Williams.
Nagawa rin ni Pegula ang kahanga-hangang record na apat na panalo kontra sa Top 20 sa single event na ikalawang beses na nagawa sa kanyang career matapos ang 2023 WTA finals.
Tinalo niya si Iva Jovic sa Round of 16, Clara Tauson sa quarterfinals, Anisimova sa semis at ang pinakahuli ay si Svitolina.
Ito rin ang ikaanim na panalo niya laban kay Svitolina sa loob ng siyam na laban.
