
SOBRANG kinokontra ang posibilidad na magkaayos at magkausap ang dating magkarelasyong sina Kathryn Bernardo at Daniel Padilla. Nagsasanga-sanga na ang isyu, dahil may usok pa lang ng mga usap-usapan na nagkakausap na diumano ang Kathniel ay marami na ulit ang nakikisawsaw at sila ang maraming sinasabi.
Mahigit isang taon, pagkatapos ng hiwalayan ay parehong nagrespetuhan at nanahimik sina Kathryn at Daniel, at hindi sila magkahiwalay na nagpapainterbyu para maglabas ng mga hinanakit at magbatuhan ng kasiraan ng bawat panig.
Ang nasabing galawagan ay patunay lamang ng natitirang pagpapahalaga nina Kathryn at Daniel para sa isa’t-isa.
Lumulutang ang isyu na mayroon daw mga kaibigang nagmamalasakit na magkaharap at magkausap sina Kathryn at Daniel. Para lang magkabati at wala nang hinanakitan. Hindi para magkabalikan sa relasyon.
Magandang intensiyon iyon kung tutuusin. Para kung hopeless na talaga silang magkabalikan ay mabasag na at mabura ang ipinagdiinaang salita noon: Na hindi na sila puwede pang magsama sa proyekto.
Kung magkabati na sina Kathryn at Daniel ay hindi dapat harangan na muli silang magkasama sa pelikula. Kahit sa trabaho lang ay magkasama sila. Dahil sobrang bagay pa rin ang Kathniel. Nakakakilig pa ring mapanood na sila ay magkapareha.

VICE GANDA, HINDI PA RIN KAYANG KABOGIN ANG KASIKATAN
TANGGAP na tanggap ni Vice Ganda, na dahil may angas at pagiging taklesa ang istilo ng kanyang pagiging TV host na napapanood araw-araw sa noontime show ng Kapamilya Network na “It’s Showtime!” ay maraming tao ang nayayabangan at naiinis sa kanya.
Ang ikinatutuwa lang ni Vice, kahit maraming nagsasabi na naiinis sa kanya, ay pinapanood pa rin naman ang kanyang mga programa. Hanggang ngayon, patok pa rin lagi sa mga manonood ang kanyang mga ginagawang pelikula.
Kahit ang mga kabataan ngayon, mapa-babae man o lalake, naaangasan sila kay Vice at naiinis. Pero kapag gusto nilang tumawa sa pelikulang katatawanan ay pelikula ni Vice ang pinipili nilang panoorin.
May kakaibang panghatak sa mga manonood si Vice. Kaya nga, napakabango ng kanyang pangalan sa bakuran ng Kapamilya Network. Hindi rin kasi siya nang-iiwan kahit nawalan ng prangkisa ang ABS-CBN.
Maugong ang balitang kaya hindi na muna inilagay si Vice bilang isa sa mga uupong hurado sa “Pilipinas Got Talent” ay dahil planong ibalik ang kanyang programang “Gandang Gabi, Vice!”.
Panahon pa rin talaga ng kasikatan ni Vice bilang numero unong komedyante sa showbiz na patuloy na nagpapayaman sa kanya na nagpasaya rin sa kanilang pamilya. Habang patuloy na inspirasyon ang relasyon nila ni Ion Perez.
