
Tiniyak ni Philippine National Police (PNP) Chief General Rommel Marbil ang pagpapatupad ng mas mahigpit na seguridad mula sa ‘Pahalik’ sa Quirino Grandstand hanggang sa Traslacion at pagbabalik ng Poong Nazareno sa Quiapo Church sa Huwebes, Enero 9.
Ayon kay Marbil, nakahanda na ang lahat ng seguridad kasunod ng pakikipagpulong sa mga local government units (LGUs), religious organizations, at iba pang stakeholders.
Kabilang sa mga patakaran ang pagbabawal sa paggamit ng backpacks at pagsusuot ng hoodie sa ‘Pahalik’. Pinapayuhan ang mga deboto na gumamit ng transparent na bag upang madaling makita ang nilalaman nito at iwasan ang pagsusuot ng hoodie para sa mabilis na pagkilala.
Pinaalalahanan din ang mga deboto na maaaring magdala ng tubig, ngunit kailangang nasa tumbler at hindi sa plastic bottle upang maiwasan ang dagdag na basura.
Ipapakalat ang mga pulis sa buong ruta ng Traslacion upang matiyak ang kaligtasan ng mga deboto. Ang PNP Intelligence Group at Anti-Cybercrime Group (ACG) ay nakaantabay rin upang bantayan ang mga posibleng digital threats.
Dagdag pa ni Marbil, pinag-uusapan pa kung gagamit ng signal jammer sa Enero 9. Aniya, dapat maunawaan ng mga deboto ang hakbang na ito para sa kanilang kaligtasan.
Samantala, magpapadala ang Armed Forces of the Philippines (AFP) ng 1,000 tauhan upang tumulong sa seguridad, kasama ang Philippine Coast Guard (PCG).
Ayon sa AFP Joint Task Force-National Capital Region (JTF-NCR), ang mga sundalo mula sa Philippine Army, Navy, at Marine Corps ay itatalaga sa Traslacion at sa mga entry at exit points ng Metro Manila. May standby battalion rin ng Marines na handang rumesponde kung kinakailangan.
Bukod dito, magde-deploy ang PCG ng watercraft at rubber boats para mag-augment sa 14,000 tauhan ng PNP. Magtatalaga rin sila ng medical teams sa mga designated areas, ayon kay PCG Spokesperson Commodore Algier Ricafrente.
Ang mga hakbang na ito ay naglalayong tiyakin ang kapayapaan at seguridad sa pagdiriwang ng Pista ng Poong Nazareno.