
Inilabas ng Philippine National Police-Civil Security Group (PNP-CSG) kahapon ang opisyal na listahan ng mga paputok at pyrotechnic devices na mahigpit na ipinagbabawal gamitin sa pagdiriwang ng Bagong Taon. Batay sa Executive Order No. 28 at Republic Act 7183, kabilang sa mga ipinagbabawal ang Watusi, Piccolo, Poppop, Five Star (Big), Pla-Pla, Lolo Thunder, Giant Bawang, Giant Whistle Bomb, Atomic Bomb, at Atomic Triangle.
Pinasama rin sa listahan ang malalakas na paputok gaya ng Large-size Judas Belt, Goodbye Delima, Hello Columbia, Goodbye Napoles, Super Yolanda, Mother Rockets, Kwiton, Super Lolo, at Goodbye Bading.
Ipinagbabawal din ang iba pang delikadong paputok tulad ng Goodbye Philippines, Bin Laden, Coke-in-Can, Pillbox, Kabasi, Special, Kingkong, Tuna, at Goodbye Chismosa.
Ayon sa PNP-CSG, bawal ang mga paputok na may explosive content na lampas sa 0.2 grams o higit sa 1/3 teaspoon ng pulbura.
Pinayuhan din ng pulisya ang publiko na bumili lamang ng paputok at pailaw mula sa mga sertipikadong retailer upang masiguro ang kaligtasan at kasiyahan sa pagdiriwang ng Bagong Taon.