Sa programang Bagong Pilipinas Ngayon, inihayag ni Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) Executive Director Gilbert Cruz na tumutok sila sa Visayas matapos makatanggap ng mga ulat na lumipat doon ang operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).
“Mayroon po tayong monitoring na ginagawa. Nakatutok din tayo sa Visayas kasi may mga report tayo na natatanggap na naglipatan [ang mga POGO],” ani Cruz.
Dagdag pa niya, 80% ng tinatayang 400 POGO hubs na kanilang namonitor ay tumigil na sa operasyon. Subalit, aniya, hindi ibig sabihin nito na tuluyan nang tumigil ang kanilang operasyon dahil may mga small-scale POGO pa rin silang binabantayan.
Matatandaan na noong Nobyembre ng nakaraang taon, ipinatigil ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang operasyon ng POGO, internet gaming, at iba pang offshore gaming operations sa bansa.