
INIHAYAG ng legal counsel ng dating Pangulong Rodrigo Duterte na si Atty. Nicolas Kauffman na natanggap na umano nila ang report ng accredited panel of experts ng International Criminal Court (ICC) tungkol sa kasalukuyang kalagayan ng kalusugan ng nakapiit na dating pangulo ng Pilipinas.
Ayon kay Kauffman, mananatiling confidential at hindi muna nila ito maaring ihayag sa publiko dahil sa diumano’y inilabas lamang ang report para lamang sa kampo ng depensa at para sa korte.
“The reports have been received, but their content is confidential at present,” wika ng abogado.
Naitakda nitong Disyembre 5, 2025 ng ICC Pre-Trial Chamber I ang deadline para sa panel of experts na magsumite ng kanilang report kaugnay sa medical examination ni Duterte alinsunod sa naging kahilingan ng depensa sa adjournment ng proceedings.
Matatandaang hindi pinagbigyan ng ICC ang apela ng depensa para sa interim release ng dating pangulo nitong nakaraang Nobyembre 28.
