
Sinagot ng butihing Senador Bong Revilla ang ilan sa mga isyung kinakaharap sa kasalukuyan ng local entertainment industry na sobrang napakalapit sa kanyang puso. Natalakay ang tungkol sa paghina ng pelikula sa takilya, ang ‘Eddie Garcia law’ na para sa ilang prodyuser ay counter productive, ang saklaw ng MTRCB, ang taunang Metro Manila Film Festival at iba pa. Aniya, ang paghina raw ng pelikula sa takilya ay isang global phenomenon na nangyayari ngayon kahit saang sulok ng mundo. “Kailangan talaga maganda ang pelikula para humatak ng manonood at hindi aantayin na lang sa streaming o online,” aniya.
Dagdag pa niya, dapat mag-adjust ang industriya at pag-aralan kung paano mapapanatili ang viability ng pelikula, tulad ng pagbibigay ng incentives sa mga producers lalo na sa maliliit na kumpanyang hirap makapasok sa sinehan. Sa usapin naman ng Eddie Garcia bill, kung nakakasakal ito, naniniwala siyang makakasanayan din ito ng buong industrya lalo pa’t nakasalalay dito ang kapakanan ng mga manggagawa. “Naniniwala ako na it is for the industry as a whole at hindi lang sa mga manggagawa,” paliwanag niya.
Dagdag ni Tolomeee, sa Season 3 ng Walang Matigas na Pulis sa Matinik na Misis, na co-produced ng Imus Production, napatunayan niyang posible ang compliance nang hindi nasasakripisyo ang kalidad ng proyekto. Sa panukala naman na lawakan ang saklaw ng MTRCB na isama ang regulasyon ng online at streaming content, pabor daw siya sa hakbang na ito. “Dapat patas ang batas! Hindi kasi tama na yung mga online at streaming ay kung ano-ano na lang ang pwedeng ipalabas kahit hindi ito tumatalima sa kagandahang-asal, values, at kultura ng bansa,” giit niya.
Sa tanong naman kung dapat na bang ipahawak na lang ang Metro Manila Film Festival (MMFF) sa mga taga-showbiz industry, bukas si Bong Revilla sa ideya. “Pwede namang i-privatize na yang MMFF para ang industriya na ang magdaos nito. In fact, sa tingin ko, wala namang hadlang na gumawa ng film festival ang industriya. Pero pag ganyan, no government funds can be used for the purpose,” paliwanag niya. Pinag-aaralan din umano niya kung maaaring hikayatin ang Film Development Council of the Philippines (FDCP) na magtayo ng sarili nilang film festival bilang alternatibo.
Nausisa rin ang Titanic action star sa kanyang mga plano pagkatapos ng eleksyon. Sagot ng senador, public service ang priority niya, pero kung magkakaroon ng ekstrang oras at pagkakataon, gusto niyang tapusin ang naudlot niyang pelikula at isulong ang Season 4 ng Walang Matigas na Pulis sa Matinik na Misis. “Let’s cross the bridge when we get there,” ani Revilla.
Samantala, sobrang nagpapasalamat si Sen. Bong Revilla a.k.a Tolomeee! sa patuloy na pagsuporta ng taumbayan sa kanyang kampanya. Aniya, ramdam na ramdam niya ang pagmamahal ng tao sa mga naging pag-iikot niya mula nang magsimula ang official campaign period. Malaking tulong aniya na na-appreciate ng madla ang mga makakabuluhang batas na naipasa niya lalo na nitong kasalukuyan niyang termino sa Senado katulad ng “Kabalikat sa Pagtuturo Act” (RA 11997), “Expanded Centenarians Act” (RA 11982), “Free College Entrance Examination Act” (RA 12006), “No Permit, No Exam Policy Prohibition Act” (RA 11984), at ang “Permanent Validity of the Certificates of Live Birth, Death, and Marriage Act” (RA 11909).
