
ANO ang common na naging experience nina VP Sara Duterte, Cong Kiko Barzaga at Cong Leandro Leviste sa pananaw ng kanilang maituturing na mga kalaban sa pulitika?
Ano ang una ninyong maiisip bukod sa pare-pareho silang kinukuyog at pinagtutulungan na wasakin at durugin ng mga gigil at galit sa kanilang mga ginagawa partikular yun mga apektado nang husto sa kanilang mga sinasabi at ibinubulgar sa publiko.
Mga pagbubulgar na tagos hanggang sa kaluluwa ng kanilang mga binabangga.
Na kapag naibulgar at nailantad sa publiko ay talagang tumatalab at nararamdaman…lumalatay at pinag-uusapan.
Lalo pa at may kinalaman sa pangungupit, paglustay at paggugol ng mga buwayang pulitiko na kanilang inuupakan.
Ano ang common na naranasan ng tatlo mula sa kamay ng kanilang mga kalaban?
Lahat sila ay pinagsabihan na sira ang mga ulo…may diprensiya sa pag-iisip at wala sa tamang katinuan ang mga sinasabi at ginagawa.
Dahil ang kanilang mga naging aksyon tungkol sa talamak na nakawan ay talagang hindi ordinaryo…hindi normal kumbaga.
Dahil ang normal para sa mga hinayupak na mandarambong at buwaya ay ang walang kabusugang mga pagnanakaw sa kaban ng bayan.
Kaya nang nagpamalas ng tapang at lakas ng loob upang labanan ang katiwalian at ibulgar ang katotohanan na tayo ngayon ay nasa ilalim ng isang pamahalaan na puno ng kasakiman at mga pulitikong kasingkapal ng adobe ang mga mukha dahil sa walang kahihiyang pamamaraan sa pagnanakaw sa pondo ng bayan ay talagang ang hindi tulad nila ay sinasabi nilang may diprensiya sa pag-iisip.
Binabaligtad nila ang kanilang mga kalaban tulad ng ginagawa nila sa tatlong ito na walang takot na sinasalungat ang kanilang mga kabuwayahan.
Sana lang ay manatili silang ligtas at laging ang interes ng mga mamamayang pilipino ang manatili sa kanilang mga isip at puso… at ang kanilang malalim na pagmamahal sa ating bayan at mga kababayan ay maging mitsa ng liwanag na tutunaw sa mga kabuktutan na nangyayari sa ating bayan.
Matapos na sampahan ng kasong impeachment si VP Sara ay sinundan ito ng panggigipit ng kanilang mga kalaban sa pulitika ay ang panggigipit sa budget ng OVP gayunman ay nananatili siyang matatag kahit pa kabi-kabila na ang pagdurog sa kanya at sa kanyang buong pamilya.
Ang kanyang ama na si dating Pangulong Rodrigo Duterte ay nananatili pa rin na nasa isang malamig na piitan sa Netherlands habang ang mga pag-atake sa kanyang mga kapatid ay wala ring hinto.
Si Cong. Kiko Barzaga, matapos na maging kontrobersyal dahil sa kanyang walang takot na pagbira sa pamahalaan ay napatawan ng 60-day suspensyon ng Kamara matapos na pagbotohan ang tungkol dito.
At ngayon, dahil sa ginagawa niyang matapang na pagbubulgar sa ilang mga maiinit na isyu ngayon sa ating pamahalaan ay ito namang si Cong Leviste ang tinatarget nila na maisalang sa Ethics Committee ng Mababang kapulungan.
Nitong nakaraang Huwebes ay umugong ang balita na sasampahan ng reklamo sa ethics committee si Leviste kaugnay sa mga ginagawa niyang pagbubulgar na may kinalaman sa tinaguriang Cabral Files.
Ito’y matapos na kumalat ang balita tungkol sa akusasyon diumano ng staff ng yumaong dating DPWH Usec Catalina Cabral na sapilitan na inagaw lamang ni Leviste ang naturang mga dokumento noong nagtungo siya sa tanggapan ng Usec noong Setyembre 4 at bukod pa rito ay pinasinungalingan din ni DPWH Secretary Vince Dizon ang tungkol sa sinasabi ni Leviste na may basbas umano ng kalihim ang kanyang naging aksyon ukol dito.
At ang naging experience nina VP Sara at Cong Kiko ay siya namang nararanasan ngayon ni Cong Leviste.
Inaasahan nang si Leviste naman ngayon ang magiging sentro ng kabi-kabilang pagbanat ng kanyang mga nasagasaan at wag na tayong magtaka kung siya naman ang susunod na susupindihin sa Kamara.
Tsk Tsk baligtad na yata talaga ang mundo…ang matitino ang nasasabihan ng sira ang mga ulo ng mga taong ang pag-iisip ay nilason na ng normal na kalakaran sa pagnanakaw sa gobyerno at baluktot na pamamaraan ng pamumulitika.
Sana next year sa pagpasok ng 2026…mas maraming kurakot sa pamahalaan ang mabura sa mundo.
Para naman maging tunay na maunlad na ang Pilipinas…walang gutom…walang baha…at walang korapsyon sa pamahalaan!
Mabawasan man lang hanggang sa tuluyan nang mawala.
Kawawa ang mga batang pinoy…
Happy New Year po sa lahat!
