
TULAD ng nagiging malaking suliranin ng mga magulang dahil sa mga menor de edad na mga anak na hindi mapigilan at halos wala na sa kontrol na pagbabad sa mga gadgets at sa mga iba’t ibang social media platforms na nagiging malaking problema na sa ngayon dahil sa pag-usbong ng iba’t ibang problema na dulot nito, muling ipinanawagan ni Sen Sherwin Gatchalian ang tungkol sa social media ban sa mga kabataan na may edad na 16 na taong gulang pababa.
Ito ay kasunod ng pagsisimula ng pagpapatupad ng bansang Indonesia ng restrictions para sa mga social media accounts ng mga kabataan na ang ang edad ay nasa ilalim ng 16 na taong gulang na bunsod naman umano ng nakakaalarmang pag-usbong ng mga problema tungkol sa cyberbullying, pornography, online fraud at iba pa na nakakasira umano sa mga kabataan ng naturang bansa.
Ang Indonesia ang kauna-unahang bansa sa South-east Asia na nagpatupad nito na nagsimula noong Marso 28, 2026.
Batay sa naturang kautusan na kasalukuyan nang ipinatutupad sa nabanggit na bansa, ang mga kabataan na 15 taong gulang pababa ay pinagbabawalan na lumikha ng mga accounts sa mga social media platforms na itinuturing na high risk kabilang na rito ang Instagram, TikTok, Facebook, Youtube at Roblox atbp.
Ayon kay Gatchalian, layunin ng kanyang panawagang ito na maagap na maaksyunan at mahadlangan ang anumang mga posibilidad na makapagdulot ng mas malalaki at malalang mga problema para sa mga magulang at mga kabataan na may kaugnayan sa isyung ito.
Sa isang panayam sa senador, batay sa naging resulta ng 2022 Programme for International Student Assessment, sa bawat karagdagang oras na ginugugol ng mga mag-aaral na pinoy na ang edad ay nasa 15 taon sa kanilang paglilibang sa digital devices ay nagdudulot ito ng 4-point drop sa kanilang math scores.
Isa pang nakatawag-pansin sa senador ang naging hatol ng Los Angeles Jury na ang Meta at Youtube ay liable umano na may malaking kaugnayan sa social media addiction ng mga kabataan.
Matatandaan na kinatigan ng korte sa isinagawang social media addiction trial ang reklamo ng isang 20-anyos na naapektuhan umano ang mental health dulot ng pagka-addict sa social media platforms at napagkalooban ng $6m para sa damages.
Patuloy namang dinepensahan ng Meta ang kanilang panig sa pagsasabing ang mental health ng mga kabataan ay sadyang kumplikado kung kaya’y hindi umano ito maaring isisi lamang sa isang app.
Kung ano ang magiging resulta ng panawagang ito dito sa ating bansa ay inaasahang magkakaroon ng mga kontrobersyal na talakayan.
