



Well, Well, Well… Heto na naman ang isang pelikulang hitik sa damdamin, kultura, at di-inaasahang pag-ibig—’Spring in Prague’ ang bagong obra na tampok si Paolo Gumabao sa kanyang pinaka-romantikong papel sa pelikula hanggang ngayon.
Ang ‘Spring in Prague’, ay isang kwento ng pag-ibig na lumalampas sa mga hangganan ng wika, kultura, at bansa. Tampok dito si Paolo Gumabao bilang si Alfonso, isang masipag at independenteng resort owner mula sa Puerto Galera, at ang Czech-Macedonian actress na si Sara Sandeva sa papel ni Maruska Ruzicka—isang dayuhang turista na magbabago ng kanyang kapalaran.
“I play the role of of Alfonso, a Filipino resort owner sa Puerto Galera. Isa siyang independent, hardworking man,” ani Paolo.
Mula sa makukulay na baybayin ng Puerto Galera, sa malamig at romantikong hangin ng Tagaytay, hanggang sa makasaysayang tanawin ng Prague sa Czech Republic—ang pelikulang ito ay hindi lang basta romansa kundi isang sining na naglalakbay sa dalawang mundo.
Para kay Paolo, ito ang kauna-unahang beses na makapagtrabaho sa Europa, at hindi lang basta-basta—isang pangunahing papel sa isang international na pelikula.
“It’s such good fortune to have Prague as my introduction to Europe, and to do it for a film that bridges nations,” ani Paolo sa red carpet premiere sa Uptown Cinema, Bonifacio Global City kamakailan.
Isang highlight sa pelikula ay ang chemistry nila ni Sara Sandeva. Bagamat galing sa magkaibang kultura, agad silang nag-click sa set.
“Parang wala naman eh, she was very easy to work with and saka as a Filipino, I didn’t feel the need to change or make some adjustments.”
“Ice breaker din namin ‘yung nagshoot kami sa Puerto Galera,” dagdag pa niya.
Hindi maikakaila na maraming natutunan si Paolo mula sa kanyang international leading lady.
“It was lovely working with her. She’s very professional. Nakikita mo talaga ‘yung standards nila sa work abroad. Ang dami ko rin natutunan sa kanya.”
Hindi lamang puso ng mga karakter ang pinagtagpo sa pelikulang ito—pati na rin ang pagkakaibigan ng dalawang bansa. Sa gitna ng selebrasyon ng ika-50 anibersaryo ng diplomatikong ugnayan ng Pilipinas at Czech Republic, naging espesyal ang pagsasapelikula ng ‘Spring in Prague’.
Ang produksyon, sa pangunguna ng Borracho Films at isinulat ng premyadong screenwriter na si Eric Ramos, ay may diplomatikong halaga. Sa kanilang huling araw ng shooting sa Prague, bumisita ang buong team sa embahada ng Pilipinas sa pamumuno ni Ambassador Eduardo Martin R. Meñez—isang patunay na ang pelikula ay hindi lang aliw kundi ambag din sa kulturang ugnayan ng dalawang bansa.
“This is a romantic comedy with depth and historical allusions… It’s a love story, yes, but it’s also a celebration of the enduring friendship between two nations,” ani Attorney Ferdinand Topacio, executive producer ng pelikula.
Sa direksyon ni Lester Dimaranan (na kilala sa mga pelikulang ‘Nelia’ at ‘Mamasapano’), sinigurado ng team na hindi lang ang puso kundi pati mata ng manonood ay mapapaligaya. Katuwang niya si Paolo Magsino sa cinematography, habang si Juvz Tesalona naman ang line producer. Kasama rin sa cast sina Marco Gomez, Elena Koziova, Ynah Zimmerman, Keahnna Reyes, Tori Topacio, Esel Ponce at si Sean Raval, ang anak ng action star na si Jeric Raval.
Sa mga eksena, may mga ‘very mild’ na ‘love scenes’ si Paolo sa pelikulang ito. “Wholesome kase ako,” sabi ng producer na si Atty. Topacio—tamang-tama lang para sa PG-13 rating ng pelikula. Ngunit hindi ito bastos, kundi bahagi ng emosyonal at romantikong arkong sinundan ng mga karakter.
Hindi rin maikakaila ang malaking papel ni Attorney Ferdinand Topacio sa tagumpay ng pelikulang ito. Kilala siya bilang isang producer na tunay na nagmamalasakit sa kanyang mga artista at crew.
“Kaya kami laging nagkakatrabaho ni Attorney is because we appreciate each other. Si Attorney Topacio, napakabuti at napaka ayos na producer niyan. He cares about his people and his crew,” I pagbabahagi ni Paolo.
At tila hindi pa tapos ang tambalang Topacio-Gumabao dahil nakaabang na ang kanilang susunod na proyekto.
“My next movie project for Paolo Gumabao is a sexy, science-fiction na horror… Medyo mas marami kayong makikitang ‘skin’ from Paolo Gumabao in that movie,” pagbubunyag ni Atty. Topacio.
Bagamat hindi pa raw nakakaranas ng long-distance relationship si Paolo sa totoong buhay, nagbigay siya ng pananaw tungkol dito.
“Ang challenges ng long distance relationship shempre, lalo na kung foreigner ‘yung partner mo ay ‘yung differences in culture and also sa time. But kung mahal n’yo naman ang isa’t-isa, I don’t see why LDR won’t work.”
Sa kabuuan, ang ‘Spring in Prague’ ay hindi lamang isang pelikula ng pag-ibig. Isa rin itong pagninilay sa pagkakaibigan ng dalawang kultura, at isang selebrasyon ng sining, pagkatao, at pananampalataya sa pag-ibig na walang hangganan.
Isang pelikulang may puso, may saysay, at may dahilan!
‘Yun na!
