

Sobrang markado ang naging pagganap ni Susan Africa bilang toxic mother sa pelikulang “How To Get Away from My Toxic Family.”
Katunayan, ayon sa film producer na si Ogie Diaz, inis na inis daw ang viewers sa karakter niya bilang Aurora nang magkaroon ito ng international screening sa Nagoya, Japan.
Dahil sobrang nadala sa kamalditahan ng kanyang karakter, bet daw sabunutan ng mga manonood ang aktres.
Pero ayon sa award-winning actress, hindi ito ang unang pagkakataon na
gumanap siya ng antagonist.
Mas malala pa nga raw ang ginawa niya noon bilang kontrabida kay Jaclyn Jose sa “Olongapo,,.The Great American Dream” ni Direk Chito Roño.
From then, na-typecast daw siya sa villain roles hanggang ma-identify sa martir at mabait na mother roles tulad ng papel niya sa hit TV series na “Mara Clara.”
Hirit naman ni Susan, nang mabasa raw niya ang kanyang karakter sa “How To Get Away from My Toxic Family” ay nabuwisit daw siya sa kanyang role.
“Actually noong una kong nabasa yung script nito, uminit ang ulo ko. Parang kahit ako, kinamumuhian ko sarili ko,” aniya.
Gayunpaman, bilang aktres ay naging hamon daw naman ito sa kanyang kakayahan.
“Pero it’s my job as an actor na kailangan mahalin ko yung character ko. E, si Aurora, hindi ko siya mamahal, e.
So ang ginawa ko, inintindi ko na lang siya na bakit lagi siyang tama? Bakit ganun, bakit ganito?
So, yun ang ginawa kong attack kay Aurora. Inintindi ko na lang siya.”
May natutunan din daw siya sa kanyang portrayal ng toxic mother sa movie.
“For me po as a mother, because of this film parang now I’m very, very careful when I talk especially to my children.
“Sometimes kasi, hindi mo napapansin, nakakasakit ka na. Pero being a parent, lagi mong iniisip na ikaw ang tama, e. Hindi ba?
But sometimes, that’s not the case. So I’ve learned to be more sensitive, and to be more cautious with my words.”
Sa totoo lang, taliwas din ang karakter niya in real life.
Katunayan, nagbahagi rin siya ng kanyang pananaw pagdating sa pagpapalaki ng anak.
“Para sa akin, hindi natatapos ang obligasyon ko sa mga anak ko
Habambuhay po iyon,” deklara niya.
“Dati sinasabi natin na kapag lumaki na iyung mga bata, kapag tapos na silang mag-aral, bahala na sila sa buhay nila.
“Pero hindi totoo yun. Habang lumalaki sila, nandiyan pa rin tayo para gabayan sila. Andiyan tayo sa tabi nila kapag meron silang mga problema.
“Ngayon, ano ba ang obligasyon ng mga anak sa magulang? Ang pakiramdam ko po, ang mga magulang, hindi dapat nagkakaroon ng anak para gawing retirement plan.
Dapag mag-ipon ang mga magulang para hindi nagde-depend sa mga anak nila, ”pagtatapos niya.
Proud naman si Susan dahil kasama niya sa pelikula ang binata niyang si Migo Manikan na gumaganap bilang Domingo, isa sa kanyang mga anak.
Ang pelikula ay kuwento ng pakikibaka ni Arsenio, isang breadwinner na OFW na nahaharap sa hamon kung paano niya tatakasan ang kanyang toxic family.
Mula sa produksyon ni Ogie Diaz ng OgieD Productions, Inc. at ng KreativDen at sa direksyon ni Law Fajardo mula sa iskrip ni John Bedia, pinagbibidahan ito ni Zanjoe Marudo. Tampok din sa cast sina Susan Africa, Richard Quan, Nonie Buencamino, Kim Rodriguez, Sherry Lara, Juharra Asayo, Keena Pineda, Lesley Lina, Migo Manikan at iba pa.
Mapapanood na ang pelikulang inaasahang maging “word of mouth” sa lahat ng SM Cinemas sa buong bansa simula sa Hulyo 30.
Bago ang pagpapalabas ng pelikula sa bansa, may tatlo itong international screenings:
Hulyo 26, Sabado ng 6:00 P.M. sa Star Cinema DXB ng Al Ghurair Mall sa Dubai, UAE, Agosto 9, Sabado ng 5:00 P.M., at Agosto 10, Linggo ng 2:00 P.M. sa Club de l’Etoile Cinema sa Paris, France.
Kasado na rin ang international screenings nito next month:
Agosto 9, Sabado ng 5:00 P.M., at Agosto 10, Linggo ng 2:00 P.M. sa Club de l’Etoile Cinema sa Paris, France.
Agosto 9, Sabado ng 12:30 NN, at Agosto 10, Linggo ng 12:30 NN sa Genesis Cinema London sa London, United Kingdom.
Agosto 9, Sabado ng 6:30 P.M., at Agosto 10, Linggo ng 4:30 P.M. sa Eye Cinema Galway sa Galway, Ireland.
Agosto 22, Biyernes ng 7:00 P.M. sa MJR Westland sa Westland, Michigan, USA.
Agosto 23, Sabado ng 2:30 P.M. sa AMC Westfield Garden State Plaza sa Paramus, New Jersey, USA.
Agosto 23, Sabado ng 2:00 P.M. at 5:00 PM sa Liberty Hall Theatre ng National City, San Diego, California, USA.
Agosto 24, Linggo ng 5:00 P.M. sa Bal Theatre, San Leandro, California, USA.
