
Perfect timing na maituturing ng magaling at award-winning actress at producer na si Sylvia Sanchez ang pagdating sa kanya ng materyal na “I’m Perfect.”
Matagal na kasi itong inaalagaan at inihahanap ng tamang prodyuser ng filmmaker na si Sigrid Andrea Bernardo na siyang sumulat at nagdirek ng surprise hit na “Kita Kita.”
“It’s all God’s perfect timing,” aniya.
Dagdag pa niya, nakaka-relate raw siya sa tema ng pelikula dahil in real life ay may pamangkin siyang may Down Syndrome at may cerebral palsy.
Sobra rin daw siyang napahanga ng cast niyang special children dahil sa galing ng mga itong umarte.
Wish din daw niyang mapansin ang talento ng mga ito kaya binigyan niya ng break.
” Honestly manalo sila, yung mga lead actors, iyon talaga ang inaasahan ko kasi
pag nangyari iyon, inclusivity, napansin sila. Nakita sila, nakita yung talent nila.
Actually, ang galing nila sa pelikula.
History ito pag nangyari,” bulalas niya.
Hirit pa niya, ikinukunsidera raw niyang malaking blessing para sa kanya ang pagdating ng mga ito sa buhay niya na tinatawag niyang angels.
” Sobra kasi, mula nung October hanggang ngayon sa buhay ko, masaya, malungkot. Sila yung nandiyan. Sila yung nagsilbi.. lalo na yung down time emotionally, down time namin, sila yung everyday nandiyan. ‘Mamang, how are you? How’s Papa? How’s Kuya Arjo? How’s the family? So isipin mo bang gagawin nila pero andun sila, andun sila talaga. So kahit ang mga magulang, alam mo yon, so sabi ko nga, kaya pala, kaya pala dumating sila sa buhay ko, may rason, ” paliwanag niya.
Hirit pa niya, dahil daw sa pagiging matalino at gifted ng mga ito ay aware ang mga ito sa pinagdadaanan niya.
” Sa kanila, wala akong sinasabi. Sila iyong nagsasabing ‘Mamang, we’ re here. Mamang, relax. Mamang, inhale, exhale. We love you mamang,” sey niya.
“Ang tatalino ng mga ito kaya sabi ko nga
yung pagtiwala ko sa kanila, sobra sobra. sobra rin yung binalik nila sa akin,” dugtong niya.
Bilang ina, sobrang saludo rin daw siya sa mga magulang na nag-aaruga sa mga ito.
” Alam mo honestly, tanging dasal ko kasi may pamangkin ako with Down Syndrome. Dinasal ko talaga sa Diyos na ‘Lord lahat ng pagsubok, lahat kung ano mang dadaanan ko kakayanin, huwag lang ako magkaroon ng son o daughter with Down syndrome. Kasi hindi ko kakayanin. Hindi ako kasing lakas ng mga magulang ng mga ito. Iiyak at iiyak talaga ako.Hindi nga ako binigyan ng Diyos ng anak with down syndrome pero binigyan niya ako ng mga ito, “deklara niya.
Na-realize rin daw niya kung paano bumalanse ang Diyos.
“Ang grabe. Grabe siya bumalanse. Ibang klase siyang bumalanse, lahat may rason talaga.Basta ang daming nangyari. Ang hirap pag ikinuwento ko ang lahat, basta isa lang ang sasabihin ko.
Sila ang humila sa akin noong bagsak ako at nasa kama ako. sila yung nagpatayo sa akin, Ang mga anak ko at sila, so yun lang, ” pagtatapos niya.
Ang” I’m Perfect” ay layuning buksan ang isipan ng mga manonood sa mga pinagdadaanan ng special children at maintindihan ang kanilang kalagayan.
Sa pelikula ay ipakikita na tulad ninuman ay marunong din silang magmahal.
Ang pelikula ay suportado ng Down Syndrome of The Philippines, Best Buddies Philippines at Special Olympics Pilipinas.
Ang pelikula ay pinagbibidahan nina Anne Krystel Daphne Go at Earl Jonathan Amaba na may Down Sydrome.
Kasama rin sa cast ng movie sina Lorna Tolentino, Janice de Belen, Joey Marquez, Tonton Gutierrez, Zaijian Jaranilla, Joel Sarracho, Viveka Rabanes at Myke Salomon.
Iprinudyus ng Nathan Studios, ang pelikula ay kalahok sa Metro Manila Film Festival.

