




DAHIL sa patuloy na paglalim ng hukay tungkol sa maanomalyang flood control projects at iba’t ibang malalaking isyu na ibinabato sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand “BongBong” Marcos Jr. na ngayon ay inuuga para bumaba o magbitiw sa kanyang posisyon habang ayaw namang tigilan ng kanyang mga kalaban sa pulitika at patuloy ding pinupulbos sa social media ng magkakaibang grupong ayaw siyang papormahin bilang kandidato sa pagkapangulo sa 2028 elections si vice president Sara Duterte, hinuhulaang matinding gibaan pa at mas malubhang salpukan ng magkabilang kampo ang susubok sa kani-kanilang tibay sa pagpasok ng taong 2026.
Si PBBM na pilit na inuugnay sa nangangalingasaw na anomalya na may kinalaman sa mga iskandalong diumano’y kinasasangkutan din ng kanyang pinsan na si dating House speaker Martin Romualdez, dating Chairman ng House Committee on Appropriations Zaldy Co at mga matataas na kawani ng Department of Public Works and Highway (DPWH), gayundin ng ilang mga mambabatas at mga bigtime na contractors na umano’y nakinabang ng bilyun-bilyong kickbacks sa mga maanomalyang flood control projects, ay nangangailangan ng pambihirang tibay na kanyang masasandalan at ng kanyang administrasyon sa pagpapalit ng taon.
Kung paano sasalagin ng pangulo at ng kanyang mga kaalyado ang magkakahalong bira ng kanyang mga kalaban sa pulitika, mga bias na vloggers at iba pang mga bumabanat sa kanya sa iba’t ibang platforms sa social media na halos ipako siya sa krus pati na ang kanyang buong pamilya ay siguradong lalo pang susubok kung gaano katatag ang pangulo sa kanyang hinahawakang posisyon.
Bagama’t hindi biro ang hinaharap na problema ng pangulo hindi lamang sa loob ng kanyang pamahalaan kundi maging sa mga pangunahing suliranin ng bansa na may kinalaman sa mga kalamidad, problemang panlipunan at pagbagsak ng ekonomiya bunga ng patuloy at walang puknat na kaguluhan sa bansa na tinatampukan din ng kabi-kabilang kilos protesta, nananatiling hindi pa rin natitinag si PBBM sa kanyang ‘UPUAN.’
May kakaibang tibay ‘ika nga na parang hindi ganoon kadaling ugain na ayon sa kanyang mga kalaban ay nananatiling matatag kahit pa nga para sa kanyang mga katunggali sa pulitika ay nalalapit na ang kanyang pagbagsak.
At tulad ni PBBM, mas matindi ang pinagdadaanan ngayon ni vice president Inday Sara na bukod sa pinagtutulungang siraan ng kanyang mga kalaban sa pulitika na ayon sa kanya’y ang kuwentahan ay isa laban sa lahat dahil sa pagsasanib puwersa umano ng dilawan, pinklawan, makakaliwang grupo at mga kaalyado ni PBBM laban sa kanya at sa kanyang pamilya, obligado siyang harapin ang kanyang mga kalaban na wala sa kanyang likuran ang kanyang ama na si dating Pangulong Rodrigo Duterte na ngayon ay kasalukuyang nakapiit sa detention cell ng International Criminal Court (ICC).
Kahit siya ang ikalawang pinakamataas na lider ng bansa sa kasalukuyan ay halos magtatatlong taon na siyang dinudurog at pilit na binubura sa kanyang posisyon ng mga kalaban niya sa pulitika na naglalayon na alisin siya sa listahan ng mga kandidato bilang pangulo sa halalan sa taong 2028.
Dahil sa patuloy na pag-angat ng kanyang rating sa iba’t ibang isinasagawang survey ay ginagawa umano ng kanyang mga kalaban sa pultika kung paano siya wawasakin lalo na sa social media subalit sa kabila ng aniya’y walang tigil na paninira at panggigipit sa kanya at sa kanyang pamilya ay hindi rin normal ang ipinamamalas niyang tatag at tibay sa kabila na siya ay isang babae.
Kahit pa nga durog na durog na rin siya sa mga sala salabat na problemang pilit niyang hinaharap at binibigyan ng solusyon ay pilit siyang nagpapakita ng lakas at tibay para harapin ang lahat ng kanyang mga kalaban.
At sa halip na magtulung-tulong ang lahat para tugisin ang mga tunay na tulisan na kumulimbat sa kaban ng ating bayan ay ang impeachment sa pangalawang pangulo ang ikinakasa para sa susunod na taon sa halip na magkaisa at solusyunan kung paano mabubura ang mga problema ng bansa.
At kung paano nila kapwa haharapin ang galit ng mga kalaban nila sa pulitika at galit ng mga mamamayang pilipino na hindi pumapabor sa kanilang panig ay isang malaking katanungan at ang tanong ng mga mamamayang pilipino ay hanggang saan at kailan matatapos ang pampulitikang suliranin na patuloy na inilulubog ng korapsyon at mabahong pulitika na umiiral sa ating bansa.
Kaninong tibay kung mayroon man aasa ang mga mamamayan na naiipit sa gulong namamagitan sa inyong dalawa.
At kailan matatapos ang paghihirap ng bayan na halos hindi na makahinga sa gulo na araw araw na bumabati sa kanilang mga umaga at kumakaway sa kanilang mga gabi.
Hindi ba maaring maging masaya at maunlad naman ang taong 2026 para sa mga mamamayang pilipino na hiyang-hiya na sa mata ng mga banyaga at awang-awa na sa kanilang mga sarili dahil ang tingin sa atin ay mga tiwali at mga magnanakaw.
Sino kaya ang matitirang nakatayo sa huli na puwedeng maasahan ng bayan para muling makabangon sa hirap.
