
NAPANATILI ni typhoon Wilma ang kanyang lakas habang kumikilos at tinatahak nito ang katimugang bahagi ng bansa kung saan inaasahan na magbabagsak ito ng mga malalakas na pag-ulan mula ngayong tanghali sa ilang bahagi ng kabisayaan.
Batay sa pinakahuling ulat ng Philippine Atmosperic, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), namataan ang sentro ng bagyo kagabi sa layong 480 kilometro sa silangang bahagi ng Northern Samar taglay ang lakas ng hangin na 45 kilometers per hour at pagbugso na aabot hanggang 55 kilometer per hour.
Inaasahan ang pagbuhos ng malalakas na pag ulang dulot ni Wilma na aabot sa 110 hanggang 200 millimeters sa Northern Samar, Eastern Samar, Samar, Biliran habang makakaranas naman ng moderate to heavy rain (50-100) ang mga lugar ng Leyte, Southern Leyte, Cebu, Bohol, Negros Oriental, Negros Occidental, Siquijor, Surigao del Norte, Dinagat Islands, Agusan Del Norte, Misamis Oriental at Camiguin.
Samantala, patuloy namang nadaragdagan ang mga lugar na sumailalim sa signal number 1 kabilang na rito ang Esperenza, Pio V. Corpuz, Cataingan, Placer sa Masbate,Eastern Samar, Northern Samar, Samar, Biliran, Leyte, Southern Leyte; Daanbantayan, Medellin, City of Bogo, San Remigio, Tabogon, Borbon, Tabuelan, Tuburan, Sogod, Catmon, Asturias, Carmen, Danao City, Balamban, Liloan,Compostela, Cebu City, Consolacion,Mandaue City, Cordova, Lapu-Lapu City, Toledo City, Pinamungahan, San Fernando, City of Naga, Minglanilla, City of Talisay, Aloguinsan, City of Carcar, Sibonga, Barili sa Cebu kasama na ang Bantayan at Camotes Islands; Bohol; Sagay City, Escalante City, Toboso, Calatrava sa Negros Occidental; Surigao del Norte kasama ang Siargao at Bucas Grande Islands; Dinagat Islands; Carrascal, Cantilan, Madrid, Carmen sa Surigao del Sur; Kitcharao, Jabonga, Santiago, Tubay, City of Cabadbaran.
Posible ang pag-landfall ng bagyong Wilma sa Dinagat Islands o Eastern Visayas ngayong Biyernes ng gabi o bukas ng umaga, Disyembre 6.
