
PINASINUNGALINGAN ni vice president Sara Duterte ang mga akusasyon ng nagpakilalang bagman umano niya na si Ramil Madriaga at wala umano siyang personal na relasyon o anumang kaugnayan dito taliwas sa kanyang mga sinasabi.
Ayon sa bise presidente, si Madriaga na sa kasalukuyan ay nahaharap sa iba’t ibang mga kaso bukod pa rito ay may mga dati nang criminal record ay pilit na gumagawa ng kanyang dahilan kung paano malulusutan ang kanyang madilim na kalagayan para makalabas ng kulungan sa kahit anong paraan.
Itinanggi ng pangalawang pangulo na binisita niya sa kulungan si Madriaga, hindi rin umano niya nakausap ito at lalong hindi siya nagbigay ng kahit anong utos sa kanya at sinabi pa nito na ang larawan na isinumite nito ay kuha sa isang public event kung saan siya ay kasama.
Binigyang diin ni VP Sara na pawang mga akusasyon at alegasyon na walang batayan lamang at walang anumang pinanghahawakan na matibay na ebidensya at mga dokumento na makapagpapatunay sa kanyang mga sinasabi at posible umanong nagagamit lamang si Madriaga para maging bahagi na mahadlangan ang kanyang posibleng pagtakbo bilang pangulo kaya’t kung anu-anong mga maling pahayag ang sinasabi nito.
Matatandaan na si Madriaga ay nag-submit ng affidavit sa Ombudsman kung saan nakasaad doon ang mga akusasyon ng aniya’y mga anomalya sa paggamit ng pondo at una pa rito ay nagpahayag sa pamamagitan ng kanyang abogado na siya umano ay dating aide at bagman ng bise presidente.
Nagtrabaho din umano siya sa tanggapan ni VP Sara noong taong 2018 kung kailan mayor pa lamang noon ng Davao City ang pangalawang pangulo at naging intelligence and security officer din umano siya sa ilalim ng noon ay pangulong Rodrigo Duterte at binuo rin niya ang Inday Sara is my President (ISIP) bilang convenor nito noong taong 2020.
Inatasan din umano siya nito para bumuo ng Vice Presidential Security and Protection Group nang mahalal na bise presidente noong 2022.
Naniniwala naman ang kampo ni Madriaga na sa pamamagitan ng mga cellphone niya na isinumite sa tanggapan ng Ombudsman na anila’y naglalaman ng mga call logs at text messages na makapagpapatunay sa mga alegasyon niya sa kanyang affidavit.
Si Madriaga ay nakadetine sa kasalukuyan dahil sa mga kaso ng kidnapping kung saan nakasaad sa kanyang liham sa kanyang abogado na siya ay biktima lamang ng frame up ng isang police general at dating presidential spokesman Harry Roque.
Patuloy naman na nanindigan ang pangalawang pangulo na walang katotohanan ang mga naging pahayag ni Madriaga at bukod sa wala itong malinaw na basehan ay wala rin umano itong saysay bagkus ay puro lamang ingay.
