
TULAD ng naunang babala ni dating presidential spokesman Harry Roque kay Senator Ronald “Bato” dela Rosa na huwag magpakidnap o magpaaresto sa mga banyaga kaugnay ng impormasyon na mayroon nang warrant of arrest na inilabas ang International Criminal Court (ICC), isa pang kaalyado ni Sen. Bato na si Sen. Robin Padilla ang nagbigay ng payo sa kanya na huwag isusuko ang sarili sa mga foreigner na nais humuli at lumitis sa kanya sa ibang bansa kung saan una nang dinala si dating pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Padilla, bagama’t hindi niya nakakausap at hindi niya alam ang kinaroroonan ng kapartido at kapwa senador na si Sen Bato dahil alam naman natin na ang senador ay isang dating pulis kaya’t alam nito na kayang i-monitor ang kanyang kinaroroonan sa pamamagitan ng cellphone ay pinayuhan niya ito na huwag isusuko ang kanyang karapatan sa isang banyaga (ICC).
Si Sen. dela Rosa ay naging PNP chief noong panahon ni dating pangulong Duterte na ngayon ay nakapiit sa ICC sa The Hague, Nethherlands na tulad ng senador ay sinampahan ng kasong crimes against humanity na may kaugnayan sa naging madugong drug war noong panahon ng dating pangulo.
Bagama’t para sa nakakaraming pilipino na sumusuporta sa dating pangulo at kay Sen. Bato at nagsasabing isang malaking tagumpay laban sa iligal na droga na tunay na sanhi ng iba’t ibang krimen sa bansa ang drug war ni Duterte kung saan maraming mga lulong sa bisyo ang nasagip at ang mga druglord at pushers ay naubos, sa mata ng mga hindi pabor sa naging aksyon ng nakaraang administrasyon ang nagsasabing may malaking pananagutan ang dalawa sa nakalipas na pangyayari.
Si Sen. Bato na sinasabing noon pang Nobyembre 10, 2025 hindi pumapasok sa Senado ay pinaghihinalaang nagtatago na matapos na mabanggit ni Ombudsman Crispin Jesus Remulla na lumabas na ang warrant of arrest ng ICC laban kay dela Rosa.
Ayon sa mga ilang mga sendaor na kaibigan at kaalyado ni Bato, posibleng nangangamba at nag-iingat lamang ang senador na maulit sa kanya ang ginawang pagdakip at pagpapadala sa The Hague na ginawa sa dating pangulong Duterte lalo pa at hindi naman siya kapanalig ang nasa kapangyarihan sa kasalukuyan.
Sa isang panayam ni Atty. Ferdinand Topacio sa kanyang programang Yes Yes Yo Topacio sa DWIZ, tinalakay nila ng kanyang guest at kapwa abogado na si Atty. Jimmy Bondoc na isang dating PDP Laban senatorial candidate nitong nakalipas na mid-term elections na kung tutuusin ay wala namang dapat na ikabahala si Sen. Bato sakali man at may warrant of arrest nga na inilabas ang ICC laban sa kanya dahil matagal na umanong hindi miyembro ang Pilipinas ng ICC kung kaya’t wala itong jurisdiction upang magsampa ng kaso, dumakip at maglitis ng sinumang pilipino.
Matatandaan na nag-withdraw bilang miyembro ng ICC ang Pilipinas at naging epektibo ang pagkalas natin sa kanila mula noong March 17, 2019 kung kailan ay hindi na miyembro ang Pilipinas sa Rome Statue.
At dahil diyan, wala naman umanong hurisdiksyon ang ICC upang isagawa ang utos na pagpapadakip kay Sen. Bato kung totoo man na may nailabas nang warrant of arrest ang banyagang husgado.
Ang isyu naman tungkol sa usapin ng hurisdiksyon ng ICC sa Pilipinas ay patuloy namang ipinaglalaban ng defense team ni Pangulong Duterte habang siya ay kasalukuyang nakapiit pa rin sa The Hague.
