
ANG pangyayari tungkol sa nag-viral na video ng pambabatok ng isang driver ng pick-up truck sa isang lalaki na nagtutulak ng kariton na may kasama na isang batang maliit ay isang pangit na mukha ng reyalidad ng buhay.
Noong unang napanood ko ang video ay inakala ko na isang pelikula lamang o isang content lamang ng mga pangkaraniwang vlogger.
Kasi, paanong magagawa ng isang tao na nasa matinong pag-iisip na mambabatok ng isang kawawang lalaki na nagtutulak lamang ng kariton na may laman na kung anu- anong abubot habang kasabay niya sa kalsada ang isang batang babaeng paslit.
Kung medyo nakaabala sa kanya ang dalawa ay maari naman niyang pagsabihan na lamang na tumabi ang mga ito at maari din naman niyang sigawan o pagalitan ayon sa gusto niya pero ang saktan niya sa isang uri ng pananakit na napakapangit tingnan ay abuso na talaga ang tawag dun.
Yung mambatok ka ng isang lalaking nagtutulak ng kariton ay baka mapatawad pa iyon pero yung may kasama itong isang bata na kanyang anak at umiiyak ay talagang masasabi na parang walang bait sa kanyang sarili ang naturang driver.
Bagama’t sinasabing nagkaayos na naman ang driver at ang lalaki na kanyang binatukan matapos na magharap sila sa himpilan ng pulisya sa siyudad ng Antipolo ay hindi dapat pamarisan ang ganitong pag-uugali sa gitna ng kalsada.
bagama’t dapat din namang paalalahanan ang mga kababayan natin na tulad ng lalaking nagtutulak ng kariton na laging lumagay sa tamang lugar na dapat ay doon lamang sila nagtutulak ng kariton ay kailangan pa rin na bigyan ng babala ang mga tulad ng driver ng pick-up truck na mali at hindi makatao ang ganoong gawain.
Hindi dapat na inaabuso natin ang konting angat na kalagayan natin sa buhay upang maging barumbado at mapang-api sa ating kapwa lalo na ang mga nasa mababang kalagayan.
Sa halip ay dapat tayong maging mabait sa ating kapwa lalo na ang mga kababayan natin na salat sa kanilang pamumuhay.
‘Ika nga, walang ibang magmamahal sa kapwa pilipino kundi ang kanyang kapwa pilipino. Nawa’y maging aral sa lahat ang pangyayaring ito.
Gayunman, ikinatuwa naman natin ang naging desisyon ng Land Transportation Office (LTO) na tanggalan na ng lisensya ang driver ng pick-up na ito
Sinabi ng LTO nitong Miyerkules na tuluyan nang binawi ang lisensya sa pagmamaneho ng driver ng pick-up truck na nakunan sa viral video na minura at sinaktan ang nabanggit na lalaki na may kasamang bata.
Sa isang pahayag ay sinabi ng LTO na humarap ang nasabing driver sa tanggapan ng LTO bilang pagsunod sa show-cause order (SCO) na ipinalabas kontra dito.
Bagama’t humingi naman ng kapatawaran ang driver sa kanyang nagawang pagkakamali at sinabi nito na nadala lamang siya sa init ng kanyang ulo, marahil ay hindi na rin talaga karapat-dapat na bigyan ng lisensya para makapagpatuloy siya sa pagmamaneho dahil walang karapatan na makibahagi sa lansangan ang mga walang disiplinang driver.
Bukod sa mga road rage, ang mga ganitong insidente ay isa sa dapat na subaybayan at matyagan ng ating mga awtoridad dahil kapag ang driver ay abusado sa kalsada, madalas ay pinagmumulan ito ng maliit at malaking problema.
Kaya ingat lang tayo sa kalsada mga kababayan.
