
HUMUGOT ng kakaibang lakas sa dulong bahagi ng makapigil-hiningang hatawan sa Set 5 ang isa sa key player ng Alas Pilipinas na si Eya Laure upang isalba ang kanyang koponan sa isang intense na bakbakan sa semifinal round ng 2025 AVC Nations Cup at pinatalsik ang matigas na koponan ng Chinese Taipei upang makuha ang karapatan na makaharap ang koponan ng host country na Vietnam sa Gold medal match.
Maagang nagparamdam ng lakas ang pinaghalong young guns at veterans ng Alas Pilipinas at agad na nagpakawala ng matutulis na palo upang maagang makalamang sa 5-1.
Nagmistulang bagito ang koponan ng Chinese Taipei sa mga sumunod na play at nagpatuloy ang pananalasa nina Angel Canino, Bela Belen, Fifi Sharma at Alyssa Solomon mula sa nakakalitong set ni Jia de Guzman hanggang makuha ang malaking bentahe sa Set 1, 12-5 bago tinapos ang set sa 25-17.
Nagpatuloy ang mabangis na opensa at depensa ng Alas Pilipinas sa Set 2 at muling kinuha ang magaang na panalo sa set, 25-21 subali’t nanggulat ang chinese sa Set 3 nang matapatan nila ang mahigpit na depensa ng Alas na nagbigay sa kanila ng isang pambihirang panalo, 25-18 patungo sa Set 4.
Nagpatuloy ang mainit na momentum para sa panig ng mga intsik at nagawang maitabla ang laro sa 2-2 dahil sa mahinang depensa ng Alas na nagdala sa mas makapigil-hiningang hatawan sa Set 5.
Buhat sa iskor na 8-6 ay dalawang magkasunod na puntos ang naitala ni Fifi Sharma bago sinundan pa ng isang puntos mula sa palo ni Eya Laure at isang service ace ni De Guzman na naglagay sa koponan ng Alas sa mas kampanteng 12-9 na agwat.
Nagawa pang makalapit ng Chinese Taipei sa 13-11 matapos na sagutin ng red team ang isang matulis na palo ni Laure mula sa gilid,
Tuluyan nang bumigay ang koponan ng mga intsik matapos ang isang matinding palo muli ni Laure na naglagay sa kanila sa 14-11 bentahe.
Tinapos ng Alas Pilipinas ang kanilang semifinal match sa pamamagitan ng isang matagumpay na block touch challenge mula sa palo ni Belen para sa 15-12 na panalo.
Dahil sa panalong ito ng Alas Pilipinas ay pasok sila sa finals at makikipagtuos sila sa Vietnam para sa gintong medalya na inaasahang bubura sa bronze medal finish ng national team noong nakalipas na taon.