
Hinatulan ng Sandiganbayan 7th Division si dating Quezon City Mayor Herbert Bautista at dating city administrator Aldrin Cuña ng pagkakakulong mula anim hanggang 10 taon matapos mapatunayang nagkasala sa kasong graft noong 2019.
Batay sa 32-pahinang desisyon ng Sandiganbayan, napatunayang nagkasala sina Bautista at Cuña kaugnay ng pagbili ng Online Occupational Permitting and Tracking System (OOPTS) noong 2019.
Ayon sa desisyon, “WHEREFORE, judgment is rendered finding accused HERBERT CONSTANTINE MACLANG BAUTISTA and ALDRIN CHIN CUÑA GUILTY beyond reasonable doubt of Violation of Section 3 (e) of Republic Act No. 3019.”
Bukod sa parusang pagkakakulong, hindi na rin maaaring humawak ng anumang posisyon sa gobyerno sina Bautista at Cuña. Gayunpaman, hindi sila pinagmulta dahil ang pondo ng gobyerno na ginamit ay natanggap na ng pribadong kumpanyang hindi kasama sa nasabing kaso.
Sa desisyon, ipinunto na nagkaroon ng partiality sina Bautista at Cuña nang i-award ang kontrata sa Geodata Solutions para sa OOPTS kahit walang kaukulang pag-apruba mula sa Quezon City council.
Samantala, inihayag ng kampo ni Bautista na magsasampa sila ng motion for reconsideration kaugnay ng nasabing hatol.
Ang kasong graft ay tumutukoy sa korapsyon o paggamit ng posisyon sa gobyerno upang magkaroon ng hindi patas na pakinabang, karaniwan sa pamamagitan ng ilegal na paraan.