
Nasawi ang magtiyuhin sa sunog na tumama sa kanilang tatlong palapag na apartment sa kasagsagan ng pista ng Sto. Niño noong hapon ng Linggo sa Tondo, Maynila.
Hindi na pinangalanan ang mga biktima—57-anyos ang tiyuhin, habang 42-anyos naman ang kanyang pamangking babae. Sugatan din ang may-ari ng bahay na si Joseph Pua.
Ayon sa ulat ng Manila Bureau of Fire Protection (BFP), nagsimula ang sunog bandang alas-4:39 ng hapon sa tahanang pag-aari ng pamilya Pua na matatagpuan sa 1027-E Bo. Menu Dagupan, Tondo.
Ikinuwento ni Joel Pua, anak ng nasawing lalaki, na nasa ikatlong palapag sila ng bahay nang magsimula ang apoy. Nakalabas na sana sila ng bahay, ngunit bumalik ang kanyang ama upang sagipin ang kanyang pinsan na naiwan sa loob at kapwa silang na-trap at hindi na nakalabas.
Natagpuan ang mga labi ng magtiyuhin matapos maapula ang sunog bandang alas-5:34 ng hapon. Tinatayang nasa P50,000 halaga ng mga ari-arian ang napinsala sa insidente.