
NAHULOG na sa kamay ng mga awtoridad ang pinaghahanap ng batas sa Pilipinas na si dating Ako Bicol partylist Representative Zaldy Co na halos ilang buwan ding nagtago matapos na masangkot ang pangalan niya sa maanomalyang flood control scandal kung saan isa siya sa itinuturo na diumano’y may malaking partisipasyon dito.
Inanunsyo mismo ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ngayong Huwebes ng gabi na si Co ay naaresto sa Prague matapos itong tumawid sa bansang Czech Republic ng walang proper documentation at ngayon ay kasalukuyan umanong nasa kustodiya ng mga awtoridad sa naturang bansa.
“ Nahuli na si Zaldy Co.We are in close coordination with the Czech government to ensure that all legal processes are followed and to arrange for his return to the Philippines at the soonest possible time,”pahayag ng pangulo
“We will keep the public informed as developments unfold,” dagdag pa niya.
Matatandaan na si Co ay lumisan sa bansa matapos na madawit ang pangalan niya sa bilyun-bilyong flood control scandal at hindi nakabalik pa sa bansa mula pa noong buwan ng Hulyo taong 2025 kung kailan ay sinasabing siya ay nagpapagamot sa Amerika.
Si Co ay idineklara o itinuring na isang fugitive from justice matapos siyang mabigong humarap sa Sandiganbayan nang maisyuhan ng arrest warrants laban sa kanya at 17 iba pa noong Nobyembre 2025 kaugnay ng isinampang kasong graft at malversation tungkol sa diumano’y pagkakasangkot niya sa iregularidad sa P289.4-million road dike project sa Naujan Oriental Mindoro.
