
HINIMOK ni Senator Christopher ” Bong” Go ang Department of Budget and Management (DBM) at ang iba pang mga ahensiya ng pamahalaan na bigyang pansin ang ating mga kababayan na lubhang apektado ng nagaganap na krisis sa kasalukuyan na may kaugnayan sa biglaang pagtaas hindi lamang ng mga produktong petrolyo kundi maging ng iba pang mga pangunahing pangangailangan ng mga mamamayan sanhi pa rin ng naging epekto ng mainit na bakbakan sa Gitnang Silangan sa pagitan ng United States of America at Iran.
Sa isinagawang public hearing ng Committee on Proactive Response And Oversight for Timely and Effective Crisis Strategy (PROTECT) ng Senado kung saan isa si Sen Bong Go sa miyembro ng komite na naging bahagi ng talakayan, isa sa kanilang mga pinag-usapan ay ang tungkol sa national contingency plan at kung paano sinasagot at sinusolusyunan ng iba’t ibang mga ahensiya ng ating gobyerno ang tungkol sa mga kasalukuyang suliranin ngayon ng mga kababayan natin na lubhang naapektuhan ng krisis na ito partikular ang mga magsasaka at mga driver hindi lamang sa National Capital region (NCR) kundi maging ang mga naapektuhan sa mga malalayong probinsiya.
Naging paksa ng mga pagtatanong ni Go ang tungkol sa kalagayan ng ating mga kababayan na halos matindi na ang naging epekto hindi lamang sa kanilang mga hanapbuhay kundi maging sa kanilang mga pang-araw araw na gastusin at kung paano sila nakakaraos sa araw-araw sa gitna ng krisis na ito.
Sa isang bahagi ng talakayan ay naitanong ni Go kung nakusap na ba o may narinig na ba sila na mga kuwento o karanasan o mga kasalukuyang nararansan ng mga kababayan natin na sobrang apektado ng biglang pagsirit ng presyo ng produktong petrolyo at mga pangunahing bilihin.
” Have you talk to an ordinary driver or farmer recently…nakausap n’yo ba sila? Nakausap n’yo na yung mga driver ay mas malaki pa yung gastos nila sa gasolina at halos wala na silang maiuwi dahil yung kinikita nila…for example naglagay sila ng gasolina 3000 ang kinikita nila 300 lang at wala na silang maiuwi sa kanilang pamilya.’Yun pinakaapektado po ngayon ay yung mga drivers… transport sector… pero yun farmers tingnan n’yo rin po sila ng mabuti dapat masaya rin po sila…sabi ko nga kung kailangan magpalugi ng gobyerno gawin n’yo po yun dahil ito ‘yung isang kahig at isang tuka nating mga kababayan na mahihirap na halos napapabilad sa init…yun pong food security natin!, ” pahayag ng Senador.
Binigyang diin ni Go na marahil ay kailangang maging mas agresibo ang mga ahensiya ngayon ng gobyerno na lumabas at silipin ang tunay na kalagayan ngayon ng mga apektadong mamamayan gaya ng mga driver ng pampublikong sasakyan, mga magsasaka at iba pa hindi lamang dito sa Kalakhang Maynila kundi maging sa mga probinsiya na labis na ring naaapektuhan sa pangyayaring ito.
Hinimok ni Go ang DSWD at DBM na sana ay mas maging mabilis ang kilos sa pagbibigay ng tulong at pondo na may kaugnayan sa pagbibigay ng subsidiya at iba pang assistance para sa ating mga kababayan at gayundin ang mga nasa malalayong probinsiya at kung kinakailangan umano na magpasa ng batas para sa ikabibilis nito ay nakahanda umano ang Senado upang makipagtulungan para sa mas mabilis at agarang aksyon para makapagpasa agad ng batas kaugnay ng kasalukuyang problema.
Nagbigay naman ng mga positibong kasagutan ang mga kalihim at iba pang mga nagsidalong kinatawan ng iba’t ibang ahensiya at nagpahayag ng kanilang buong suporta at pakikiisa upang maging mas mabilis at epektibo ang gagawing mga hakbang para matugunan ang mga pangkasalukuyang problema na kinakaharap ng ating mga apektadong kababayan.
