First time na makatrabaho ni Elle Vilanueva si Derrick Monasterio sa pelikulang “Neophyte ‘26” na idinirehe ni Rommel Penesa mula sa iskrip ni Charlotte Dianco.
Makabuluhan din ang mensahe ng pelikula dahil tumatalakay ito sa karahasan na dulot ng hazing na bahagi ng initiation sa fraternity. Ani Elle, nag-enjoy daw siya sa pakikipagtrabaho kay Derrick na gumaganap sa lead role. “Actually, masaya katrabaho si Derrick. Of course, I’m very comfortable working with Derrick at lahat ng trabaho ko kay Derrick talaga. Siya iyong kasama ko,” aniya. Sey pa niya, may bentahe rin daw ang maka-work ang isang aktor na sa tunay na buhay ay boyfriend niya. “Siyempre, at ease na kami sa isa’t-isa. Wala na kaming ilangan. Kabisado na namin ang isa’t-isa,”pakli niya.
Gayunpaman, nilinaw din niya na gusto niyang makatrabaho pa ang ibang aktor maliban sa dyowa. “Actually, I want to explore more. Gusto kong mag-stand alone sa isang project. Gusto ko ma-experience ang ensemble. Siyempre, di ko rin naman gusto na ma-stuck ako sa box,”paliwanag niya. Hirit pa niya, nasa bucket list daw niya ang makatrabaho ang magaling at award-winning actor na si John Lloyd Cruz. “I’m very comfortable with my partnership with Derrick. Pero, open na open ako to work with others. Hindi ko naman nili-limit ang sarili ko na ma-box lang sa isang project,” ani Elle.
Sey pa niya, open din daw siya sa daring roles depende sa istorya. Paliwanag pa niya, hindi raw naman siya pinagbabawalan ng nobyo na magpa-sexy. “Wala. Alam niyang independent ako sa pagdedesisyon sa buhay. Alam din naman niyang di naman ako magkakamali. Kasi, he’s there to guide me,”esplika niya. Idinenay naman niya ang tsikang kumakalat na nagli-live in na raw sila ni Derrick. Katunayan, clueless daw siya sa nasabing balita. Gayunpaman, wala raw naman niyang nakikitang masama sa pakikipag-live in.
Game rin daw siya sa ideya ng most couples to test their compatibility. “Puwede naman po. Wala naman pong kaso sa akin kung mag-live in kami. Di naman din po ako super conservative when it comes to those ideas,” bulalas niya. Nilinaw din niya ang espekulasyong nag-propose na sa kanya ang real life partner. “Actually, tinatanong nga po ako ni Derrick kung kailan kami pakakasal pero never pa po talaga siyang nag-propose sa akin. Sa ngayon, mas focused pa po kami sa aming career, “ pagtatapos niya.
Bukod kina Elle at Derrick, tampok din sa pelikula sina Jon Lucas, Angelica Jones, Neil Ryan Sese, Mosang, Lance Raymundo, Andrea del Rosario, Maxine Trinidad. Ipinakikilala naman ang newcomer na si Angelo Jones. Ang nasabing obra ay mula sa produksyon ng Empowerment Film Productions at Spring Fairy Entertainment Productions.