NCRPO CHIEF MAJ. GEN. DEBOLD SINAS, BAGONG PNP CHIEF

NAPILI bilang kahalili ni outgoing Philippine National Police (PNP) Chief Camilo Pancratius Cascolan si NCRPO Chief Maj.Gen. Debold Sinas bilang susunod na bagong pinuno ng PNP.

Bukas, Nobyembre 10 ay nakatakda nang magretiro si Cascolan kasabay sa pagsisimula naman ni Sinas bilang bagong hepe ng PNP.

Si Sinas na miyembro ng Philippine Military Academy (PMA) class of 1987 ay isa sa pinakamalakas na kandidato sa posisyon batay sa kanyang kasipagan at katapatan sa tungkulin na bahagyang nabatikos matapos na malagay sa kontrobersya noong kasagsagan pa ng COVID-19 pandemic dahil sa isyu ng mañanita sa kanyang kaarawan kung saan pinuna ang kawalan ng disiplina dahil sa hindi naging maayos na pagpapatupad ng social distancing sa nabanggit na okasyon.

Inaasahan naman bukas ang pagbibigay parangal ng Philippine National Police (PNP)  kay PNP Chief Cascolan  para sa kanyang retirement honors.Ipinagmalaki naman ni Cascolan ang kanyang nagawa sa maikling panahon ng kanyang pag-upo bilang pinuno ng PNP kung saan sa loob ng dalawang buwan ay nakagawa siya ng mga bagong programa na nakatulong ng malaki sa kanilang hanay.

Matagumpay niyang naipagpatuloy ang mainit na kampanya ng gobyerno laban sa iligal na droga, internal cleansing at anti-insurgency campaign.

Isa na rito ang localization program kung saan ang miyembro ng kapulisan ay binigyan ng chance para magpalipat ng assignment sa kani-kanilang bayan hindi lamang para makapiling ang kani-kanilang mga pamilya kundi upang maiiwas na rin sa tukso ng korupsyon. 

Sa isang panayam ay nagpaabot naman ng kanyang pagbati si Senator Ronald ” Bato ” De la Rosa kay Gen. Sinas at sinabi nito na mahusay ang pagkakapili kay Sinas dahil sa kanyang mahusay na track record at naniniwala siya na malaki ang magagawa nito upang mas mapaigting ang kampanya ng pulisya laban sa kriminalidad at pagsugpo sa illegal drugs.

Sinabi rin ni Dela Rosa na wala namang perpekto sa mundo na pahaging naman tungkol sa isyu ng  mañanita noong kaarawan ni Sinas na ginagawa pa ring isyu laban dito hanggang ngayon.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *