PACMAN, NAG-UMPISA NA SA ENSAYO

BAGAMA’T wala pang malinaw at pinal na impormasyon tungkol sa kanyang posibleng susunod na laban, inanunsyo ngayon ng kaisa-isang 8-division boxing champion na si Senator Manny Pacquiao na nagsisimula na siyang mag-ensayo para ipagpatuloy ang kanyang boxing career na pansamantalang nahinto dahil sa COVID-19 pandemic.

Sa kanyang tweet ay sinabi ni Pacquiao na inumpisahan na niya ang pagsasanay kahit wala pang katiyakan kung sino ang kanyang makakalaban gayundin  ang petsa ng kanyang magiging susunod na laban.

Dahil sa pandemya, nanatiling palaisipan sa lahat kung saan ba gaganapin ang laban at kung papayagan na ba ang live audience sakali at matuloy na nga ang susunod niyang laban.

“Big news coming soon,” saad sa  post ni Pacquiao.

Bago pa man ang pagsulpot ng COVID-19, isa sa matunog na labang niluluto noon ay ang bakbakan sa pagitan nila ng UFC star na si Connor McGregor na sa ngayon naman ay posibleng hindi na matuloy matapos ang naging pagkatalo nito kamakailan kay Dustin Poirier via second round TKO sa UFC 257 noong nakalipas na buwan.

Dahil dito malaki ang posibilidad na sa kapwa boksingero nga na mapapasalang ang fighting senator para sa susunod niyang laban kung saan isa sa atat na atat na makaharap siya ay ang batambatang kampeon na si Ryan Garcia na para naman sa mga boxing experts ay gugulpihin lang ni Pacquiao kung sakali. 

Si Pacquiao ay huling lumaban noong July 2019 at tinalo ang isa pang mas bata at malakas na boxer na si Keith Thurman upang makuha ang kampeonato ng World Boxing Association (WBA) na kamakailan lamang ay tinanggal sa kanya dahil sa kabiguan niya na maidepensa ito dahil sa kawalan ng panahon dulot ng pandemya.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *