PANDEMYA DI MAIKAKANSELA ANG MGA TRADISYON SA HOLY WEEK-SEN. IMEE

HINIMOK ni Senador Imee Marcos ang mga Katoliko na panatilihin ang kanilang dedikasyon sa relihiyon at pag-asa sa kabila ng mga banta ng Covid-19 na makasira sa tradisyunal na paggunita ng Holy Week sa ikalawang taon.

“Hindi mapipigil ng pandemya ang mga tradisyon ng mga pananampalatayang Pilipino, tulad ng Pasyong Mahal, prusisyon at Senakulo, Via Crucis, Pitong Wika, at mga misa para sa Linggo ng Pagkabuhay.

Pwede tayong sumamba sa ating mga bahay o sa online, o kahit saan pwedeng mag-isa tayo at tahimik na makipag-usap sa Panginoon,” ani Marcos.

Inihayag ito ni Marcos sa gitna ng pagpapatupad ng gobyerno ng apat na klase ng lockdown sa buong bansa base sa dami ng impeksyon sa isang lugar, kabilang dito ang enhanced o general community quarantine (ECQ O GCQ) o modified na bersyon ng mga ito (MECQ, MGCQ). Ayon kay Marcos, ang mga mananampalatayang mga Pinoy ay nagtatanong kung akma ba ang mga general restrictions o mga pagbabawal sa misa at iba pang pangrelihiyong aktibidad sa mga magkakaibang quarantine.

“Dapat ikonsidera ang mga gawaing pansimbahan bilang essential services, pero dahil kailangang mapigil ang hawahan ng sakit, istrikto ring nadiyeta ang mga kaluluwa nating nagugutom,” diin ni Marcos. Binanggit din ni Marcos na maari pa rin isagawa at makiisa ang mga debotong Katoliko sa nakasanayang group singing tuwing misa sa pamamagitan ng open mic sa Zoom, kahit pa mag-isa sa bahay.

“Wag naman natin kalimutan ang ating abuloy na banal na bahagi rin ng Semana Santa. Sa mga may kakayahang magbigay, magbigay tayo ng bukal sa puso. Habang ang iba na kapos, matutunan pa rin natin ang magbahagi,” ani Marcos.

Dagdag pa ni Marcos na ang kusang-loob na pagbibigay ng mga libreng pagkain at transportasyon sa mga health worker at iba pang frontliners, na una nang ginawa noong nakaraang taon sa pagsisimula ng pandemya, ay dapat pa rin na magpatuloy.

“Panatilihin natin ang kabutihang-loob at bolunterismo. Wag naman sana tayong magsawa sa pagbibigay,” hikayat ni Marcos. Isa sa mga kabutihang maaring gawin ng mga nagpe-penetensya ay tulungan ang mga senior citizen na magpa-rehistro sa pagpapabakuna o kaya ay samahan sila sa mga vaccination center na mananatiling bukas kahit Semana Santa, ayon pa kay Marcos.

“Tulungan natin ang mga senior citizen na hirap sa pagpapa-rehistro online o nangangailangan ng aalalay papunta sa mga vaccination center. Doblehin niyo na ang pagtulong sa kanila sa pag-alam kung rehistrado rin ba sila sa nalalapit na eleksyon,” pahabol ni Marcos.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *