Sa mundo ng musika at sining, isa si Reuben Laurente sa mga artistang walang kapaguran sa pagpapakilala ng kulturang Pilipino. Mula sa entablado ng cruise ships hanggang sa mga art galleries, patuloy niyang pinapanday ang kanyang talento—hindi lang bilang isang bonggang mang-aawit kundi pati na rin bilang isang visual artist.
Mula entablado hanggang canvas, noong kasagsagan ng pandemya, naisantabi pansamantala ang kanyang career bilang bida sa international luxury cruise ships. Pero imbes na mawalan ng sigla, bumalik siya sa kanyang first love—ang pagpipinta, isang talento niyang nadiskubre pa noong siya ay 11 taong gulang.
Matagumpay niyang inilunsad ang kanyang unang solo exhibit na ‘Pilipino Ako, Ito ang Aking Lahi’ sa NCCA Gallery sa Intramuros noong 2023, kung saan ipinakita niya ang kanyang pagmamahal sa kulturang Pilipino. Hindi rito natapos ang kanyang pagtitibok bilang isang pintor, dahil sa 2024, mas lalo pa niyang pinaigting ang kanyang pagiging isang visual artist sa larangan ng sining.
“Each brushstroke and color choice has been a celebration of our rich heritage, culminating in five standout pieces that reflect my passion and dedication,” ani Reuben.
Ngayong 2025, mas palaban ang peg ni Reuben dahil mas marami pa siyang kuda at ganap sa larangan ng visual arts. Sa huling bahagi ng taon, isang collaborative visual cum fashion exhibit ang kanyang ihahatid, kung saan ang kanyang obras at ng iba pang artists ay isasalin sa fashion pieces. Salamat sa dating Binibining Pilipinas Universe at visual artist na si Nina Ricci Alagao, na siyang nagbigay ng tulak para maisakatuparan ang bonggang proyektong ito.
Ang hari ng entablado, kahit abala sa sining, hindi niya kinalimutan ang kanyang unang showbiz love—ang pag-awit. Fierce na fierce si Reuben sa kanyang pagbabalik sa international cruise stage ngayong taon, kung saan ibibida niya ang kanyang dalawang bonggang-bonggang palabas:
‘The Sheer Talent of Reuben Laurent’ – Isang engrandeng palabas na isinulat ng yumaong Philippine arts and culture advocate na si Floy Quintos. Dito ipinapakita ang kanyang pagiging versatile na bokalista, kasama ang isang nine-piece band na magbibigay ng mas matinding musika sa kanyang fabulosang performance.
At ang ‘Music Beyond Borders’ – Sa palabas na ito, mas ipinapakita ang kanyang Filipino vocal pride, kung saan punung-puno ng emosyon at musical brilliance ang bawat awit. Isinulat ito ng dati niyang kasamahan sa The CompanY, ang talentadong si Andre Castillo.
Ang mga palabas na ito ay magtataas ng bandera ng talento ni Reuben sa iba’t ibang barko ng Norwegian Cruise Lines—Sky, Sun at Spirit—na gaganapin sa Pebrero, Abril, Hulyo at Nobyembre.
Noong November 2024, isa si Reuben sa mga bet na bet na performers sa Pinoy Playlist Music Festival, isang all-OPM event na pinangungunahan nina National Artist Ryan Cayabyab, Bonifacio Foundation, at Maybank Performing Arts Theater’s Maribel Garcia.
Ngayong 2025, abala rin siya sa kanyang recording projects para sa digital platforms sa ilalim ng GRMilestone Music at FEBC/Papuri!. At bilang bahagi ng kanyang love for music, maglalabas siya ng kanyang dalawang final Christmas singles para sa Evosound Philippines sa last quarter ng taon.
Bukod dito, isang espesyal na proyekto rin ang inihanda for the Pinoy music lovers, kung saan iba’t ibang Filipino vocalists ang magtatanghal ng mga awitin na sumasalamin sa ating kulturang pamana. Ang proyekto ay inaasahang ipapalabas sa ikalawang bahagi ng taon.
Isang napipintong reunion sa mga dating kasamahan ang magaganap ngayong taon.
Muling sasampa si Reuben sa entablado kasama ang The CompanY, bilang isa sa mga guest performers sa kanilang 40th-year musical celebration sa Hunyo 2025. Bilang dating miyembro mula 1991 hanggang 2005, malaking bahagi siya ng kanilang unang 35 industry awards at 14 albums.
Kamakailan lamang, nakita rin siyang nagpapakitang-gilas sa session work ng grupo, bilang pansamantalang humalili sa resident tenor na si OJ Mariano, na noon ay naghahanda para sa musical na ‘Next to Normal’.
Ang inspirasyon sa likod ng lahat na sa kabila ng kanyang maraming ganap at kaganapan, isang bagay ang nananatili sa puso ni Reuben—ang kanyang pananalig sa Diyos. Para sa kanya, lahat ng kanyang tagumpay ay biyaya mula sa Panginoon, at sa pamamagitan ng kanyang talento, nais niyang maging inspirasyon sa iba.
“Maybe a possible celebration would be the Filipino migrant workers’ month (June), where I can infuse my obras, as well,” ani Reuben.
Sa patuloy niyang paglalakbay bilang isang tunay na alagad ng sining, walang duda na lalo pang sisikat at magningning si Reuben Laurente ngayong 2025. Sa musika o sa sining, asahan nating mas magpapaandar pa siya ng kakaibang ganda at talento—isang true-blooded Pinoy artist na patuloy na bumabandera sa buong mundo!