


Sa loob ng mahigit isang dekada, isang Filipina educator ang tahimik ngunit matapang na nagdadala ng kaalaman at kulturang Pilipino sa puso ng China. Si Marianne Lourdes ‘Mary’ M. Leonor ay isang gurong Pinay na nagtuturo ng Ingles sa Suizhou Foreign Language School sa Suizhou City, Hubei Province—isang lugar na dalawang oras lang mula sa Wuhan kung magbibiyahe ng kotse o 55 minuto kung sakay ng bullet train.
Ngunit higit pa sa pagiging isang guro, siya ay isang tulay—isang koneksyon sa pagitan ng dalawang kultura.
Si Teacher Mary ay isang huwarang guro sa banyagang lupain. Simula pa noong 2012, pinanday na ni Teacher Mary ang kanyang pangalan sa larangan ng pagtuturo sa China. Sa kabila ng mga hamon ng pagtuturo ng wikang Ingles sa mga batang Tsino, masigasig niyang ginampanan ang kanyang tungkulin bilang isang edukador.
“My students are incredibly smart and hardworking, especially when it comes to their homework,” aniya. Hindi biro ang kanilang iskedyul—mula 6:30 a.m. hanggang 7:00 p.m. araw-araw! Ngunit sa kabila ng kanilang pagsusumikap, binibigyang-halaga rin sa China ang balanseng pamumuhay. May oras sila para sa pananghalian, pahinga, at maging sa extracurricular activities tulad ng sports.
At nakakatuwang malaman na hindi lang Ingles ang nais matutunan ng kanyang mga estudyante—pati na rin ang wikang Filipino! “Alam nilang Pinay ako, kaya nag-e-effort silang matuto ng basic Tagalog words,” kwento niya. Hindi lang ito basta wika, kundi isang patunay ng koneksyon ng dalawang kultura.
Nais din ibahagi ni Teacher Mary ang ating musika, pelikula, at kulturang Pilipino sa China.
Bukod sa lengguwahe, nagiging pamilyar din ang mga estudyante ni Teacher Mary sa kulturang sariling atin.
“They know about talented Filipino entertainers like SB19 and other singers, as well as telenovela actors and actresses,” aniya. Nakakatuwang isipin na sa kabila ng layo, may puwang sa puso ng mga Tsino ang sining at talento ng mga Pilipino.
Masagana at masaya ang buhay ni Teacher Mary sa China. Isa pang kapansin-pansin sa kanyang karanasan sa China ay ang kaayusan ng pamumuhay doon. Sa isang bansang kilala sa teknolohiya, pinuri ni Teacher Mary ang ‘cashless lifestyle’, abot-kayang pagkain, at mabilis na sistema ng transportasyon—mula sa bus at subway hanggang sa bullet train.
“Living there is safe, convenient, and healthy,” aniya. At higit sa lahat, malaking naitulong sa kanyang kalusugan ang sariwang pagkain at aktibong pamumuhay—nakapagbawas siya ng 30 kilos sa loob ng kanyang pananatili roon!
Bukod pa rito, hindi matatawaran ang mga benepisyo niya bilang isang guro sa China. Malaki ang kanyang sweldo, libre ang tirahan, walang binabayarang kuryente at internet, sagot din ng paaralan ang pagkain niya, at may allowance pa siya para sa bakasyon pabalik sa Pilipinas dalawang beses sa isang taon.
Ngunit higit sa materyal na benepisyo, ang tunay na kayamanan para sa kanya ay ang mabuting pakikitungo ng mga tao sa China. “Throughout my stay, I’ve felt nothing but kindness and friendship. When I tell people I’m from the Philippines, they always respond warmly, saying our two nations are traditional friends and brothers,” sabi niya.
Isang pelikula tungkol sa kanyang buhay ang pangarap ng marami para kay Teacher Mary.
Dahil sa makulay at inspirasyonal niyang kwento, hindi malayong maisapelikula ang buhay ni Teacher Mary. Kung mangyayari ito, gusto niyang makita ang kanyang sarili na ginagampanan ng mga batikang aktres na sina Iza Calzado, Mylene Dizon, o Dimples Romana.
Napakalaking bagay para kay Teacher Mary ang pagtuturo, pag-ibig sa kultura, at mas matibay na relasyon ng dalawang bansa.
Ngayong ipinagdiriwang ng Pilipinas at China ang ika-50 anibersaryo ng kanilang diplomatikong relasyon, nananatili ang pag-asa ni Teacher Mary para sa mas matatag na ugnayan ng dalawang bansa.
Sa kanyang simpleng paraan—sa pamamagitan ng pagtuturo—naipapakita niya na ang edukasyon ay hindi lang tungkol sa mga leksyon sa silid-aralan. Ito rin ay tungkol sa pagbuo ng pagkakaunawaan, respeto, at pagkakaibigan sa kabila ng lahi at kultura.
Ang kwento ni Teacher Mary ay hindi lang tungkol sa isang Filipina educator na nagtagumpay sa dayuhang bayan. Ito ay kwento ng isang guro na hindi lang nagtuturo ng Ingles, kundi pati na rin ng pagmamalasakit, sipag, at pagmamahal sa kultura.
Isang tunay na inspirasyon.

