
SOBRANG pambabatikos ang ipinupukol kay Kathryn Bernardo, dahil lang uupo siya bilang isa sa mga hurado ng “Pilipinas Got Talent” ng Kapamilya Network. Ano raw ambag ng sikat na aktres sa industriyang ito para maging isang hurado sa programang kikilatis ng mga talento?
Naging pasadong artista si Kathryn, dahil marami siyang talento para hangaan ng masa. Matalino siya.
Bilang isang programa na kailangang panoorin ng masa, walang dudang pasok ang popularity ni Kathryn para makahatak ng mga manonood.
Hindi puwedeng pagdudahan ang panghatak ni Kathryn sa masa para panoorin ang mga programang kasama siya. Ang patunay niyan ay ang pagsubaybay sa kanya ng mga tao, kaya puro patok sa takilya ang kanyang mga pelikula, kaya Box-Office Queen siya.
Napakaraming fans ni Kathryn, kaya napatunayan nung maghiwalay sila ni Daniel Padilla ay nawindang at napilayan ang movie career ng guwapo at mahusay na aktor, dahil ang simpatiya ng tao ay napunta kay Kathryn
Maraming sumisikat ngayon sa showbiz, pero dyan muna sila sa hulihan. Tabi-tabi muna, dahil si Kathryn pa rin ngayon ang Reyna sa kasikatan.
DANTE BALBOA, AYAW NANG MAGHUBAD, ITINULOY ANG PANGARAP MAGING MOVIE DIRECTOR

NAKAKABILIB ang paninindigan ng dating sexy actor ng Seiko Films na si Dante Balboa. Nagpaseksi lang, siya pero hindi na niya hinayaang tuluyan siyang hubaran ng mga pelikulang iniaalok sa kanya noon. Mala-Adonis kasi ang kanyang porma, guwapo at matangkad na napakaganda ng katawan.
Bilang aktor, may pumigil noon kay Dante para tuluyang pumalaot sa hubarang mga pelikula. Una sa lahat, edukado siyang tao. Inisip niya noon kung ano ang matitira sa kanyang pagkatao pagkatapos ng mga paghuhubad sa pelikula
Biglang nawala sa pag-aartista si Dante. Sa dami ng pagkumbinsi na kanyang natanggap para magbalik-showbiz, ang sagot ni Dante ay magbabalik-showbiz siya sa ibang paraan, pero showbiz pa rin.
Heto na! Magdidirek na si Dante at ang kanyang first directorial job ay ang “Graduation Day” na big break talaga, dahil pinagkatiwalaan siya ng Bentria Productions na pursegido sa pagpoprodyus ng maraming pelikula.
Ang suwerte ni Direk Dante (a.k.a. Elmer Anisco), dahil hindi tinipid ang kanyang first project. Yong ibang baguhang direktor kasi ay kadalasang gumagawa ng mga pelikulang hindi kilala ang mga bidang gumaganap sa pelikula, kaya hindi kumikita sa takilya.
Aba naman! Ang mga bida ni Direk Dante sa “Graduation Day” ay sina Elizabeth Oropesa, Jeric Gonzales, Simon Ibarra, Rico Barrera, Aldan Veneracion at Angelie Sanoy. Si Direk Dante rin ang sumulat ng script ng nasabing project.
