” KUNG AKO AT MGA ARAL KO AY IKAKAHIYA NINUMAN,
IKAKAHIYA KO RIN SIYA KAPAG AKO NA ANAK NG TAO
AY PUMARITO NA TAGLAY ANG AKING KAPANGYARIHAN
AT ANG KAPANGYARIHAN NG AMA AT NG MGA BANAL NA ANGHEL.- LUCAS 9:26 “
NAIS kong magpasalamat sa aking kaibigan at matapat na kasama na si pareng Ardie at ang iba pang bumubuo ng aming
online news website na PINOYNEWSCHANNEL.COM sa pagbibigay ng pagkakataon sa inyong abang lingkod upang makapagpahayag
ng mga salita at aral ng ating panginoon sa pamamagitan ng pagsusulat sa pitak na ito tuwing araw ng Linggo.
Bukod sa mga makabuluhang mensahe at mga aral ng buhay at relihiyon na ating tatalakayin sa mga darating na mga araw ay
gagamitin nating tulay ang ating maliit na espasyo dito upang makatulong sa abot ng ating makakaya sa ating mga kapatid sa pananampalataya
at mga kaibigan.
Ang una nating tatalakayin sa isyung ito ng THE WORDS OF GOD ay ang tungkol sa masamang kaugalian o masamang pananaw ng mga filipino o kahit ng
ibang mga mamamayan ng kani-kanilang bansa tungkol sa pagsamba, pananampalataya at uri ng pagdakila natin sa ating panginoong Diyos.
Sa LUCAS9:26, sinasabi rito na kung ang panginoon at mga aral niya ay ikakahiya ninuman, ikakahiya niya rin siya kapag siya na anak ng tao ay pumarito na taglay
ang kanyang kapangyarihan ng ama at mga banal na anghel.
Hindi ba’t totoo na marami sa mga tao lalo na ‘yung mga kulang o walang pananampalataya sa Diyos ang madalas na nanlilibak namimintas o sumasalungat
at nambabato ng mga masasakit na pananalita sa mga taong hayagan at marubdob ang pagpapakita ng uri ng pagsamba at pananampalataya sa Diyos anuman ang kanyang relihiyon na kinaaaniban.
Hindi ba’t kadalasan ay maririnig pa natin mula sa kanilang mga maaanghang na bibig na nakakahiya ang ginagawang pagsamba ng mga taong ‘yan.
Over acting na umano at hindi na taa ang paraan o istilo ng pagsamba.
Mayroon nga kasi minsan na tahimik na ginagawang pagsamba, may mga maiingay at umaaawit, may mga sumisigaw, umiiyak, naglalakad na paluhod at ang iba pa nga ay nagpipinitensya.
Alinman sa mga ito ay may kani-kanyang paniniwala, may kani-kanyang panananampalataya subali’t may iisang hangarin…ang maipaaabot sa panginoon ang kanilang
tapat at sinserong pananampalataya.
Kung kaya’t hindi ito dapat na alipustain o libakin, pintasan o kamuhian.
At bakit ka mahihiya kung isa ka sa mga taong ito na sumasampalataya at nagpapahayag ng kanyang pagmamahal, paggalang at pag-ibig sa poong lumikha.
May dapat ba tayong ikahiya?
At may dahilan pa para tayo ay mahiya sa pagpapalaganap ng salita ng Dios?
Dapat ba tayong mahiya dahil nais nating ipakita sa mundo na minamahal at sinasamba natin ang panginoong Diyos?
Ang paniniwala at pananampalataya ng sangkatauan ay magkakaiba at hindi magkakatugma…subalit maaring maging iisa ang lahat…maging isa sa pagtataas sa pangalan at
kadakilaan ng panginoong Diyos.