
Inaresto ng mga awtoridad ang isang drug suspect matapos makumpiskahan ng tinatayang P5.2 milyong halaga ng marijuana sa isinagawang buy-bust operation sa Sampaloc, Maynila kamakalawa.
Kinilala ang suspek bilang si Jomar Gesmundo, 36, residente ng Prudencio St., Sampaloc.
Ayon sa ulat ng Manila Police District (MPD) – Sampaloc Police Station 4 (PS-4), naaresto ang suspek dakong alas-12:20 ng madaling araw sa isang bahay sa Crisostomo St., Sampaloc, sa tulong ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) at sa pakikipag-ugnayan sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Nakumpiska mula kay Gesmundo ang 44 bricks ng pinatuyong dahon ng marijuana na may kabuuang timbang na 44 kilo at nagkakahalaga ng P5,280,000, pati na rin ang ginamit na buy-bust money.
Kasalukuyang nakakulong ang suspek at nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o The Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.