


Muling nagluluksa ang mag-asawang Mikee Morada at Alex Gonzaga sa ikatlong pagkawala ng kanilang baby. Isang kwento ng pag-asa at pagtanggap ang nais ipahatid ng celebrity couple para sa lahat.
Isang emosyonal na tagpo ang naibahagi ni Alex Gonzaga at ng kanyang asawa na si Mikee Morada sa pinakabagong episode ng ‘Toni Talks&, hosted ng kanyang kapatid na si Toni Gonzaga-Soriano. Dito ay inilahad ni Mikee ang masakit na kwento ng kanilang ikatlong miscarriage, na nangyari noong Disyembre 2024 lang.
Sa nasabing panayam, diretsahang tinanong ni Toni si Mikee kung ang pinakahuling pagkawala ng kanilang anak ang pinakamasakit sa lahat.
“Now, itong third one na nangyari nung December, ito ba yung pinakamasakit?” tanong ni Toni.
Binalikan ni Mikee ang naging journey nila ni Alex, na nag-umpisa bilang isang sorpresa para sa kanilang dalawa.
“Kami ni Catherine, nung nalaman naming pregnant siya, kasi feeling namin nabuo ‘to nung birthday ni Mommy Pinty sa Singapore. Hindi namin talaga akalain, wala talaga kaming plano,” kwento ni Mikee.
Matapos malaman ang pagbubuntis, agad silang nagpakonsulta sa doktor upang masiguro ang kaligtasan ng baby.
“Nung nalaman namin na pregnant kami for the third time, nagpa-check up kami kaagad sa OB and okay naman. Tapos nag-decide kami na mag-iingat na talaga siya. The second week, okay pa yung ultrasound, hanggang dun sa pangatlong linggo eh sabi samin nung doctor, ‘Nako, wala na namang laman. Blighted ovum ulit,’” dagdag niya.
Bagamat sobrang nasaktan sa diagnosis, nagpasya ang mag-asawa na humingi ng second opinion, kasabay ng mensahe mula sa isa pang doktor na nag-udyok kay Alex na magpatingin muli.
“Sakto, nag-text yung iyong OB, parang kinukulit siya, ‘Daan ka naman. Visit ka.’ Siguro, blessing ni Lord, naisip namin na, ‘Sige, pa-second opinion tayo dun.’ The week after, nagpunta kami. Pagdating namin dun sa ultrasound na yun, yun na yung pang-apat. May bata sa loob, may baby,” masayang pagbabahagi ni Mikee.
Ang unang pagkakataon na marinig nila ang tibok ng puso ng kanilang baby ay naging isang hindi malilimutang sandali para kay Mikee.
“Naiyak ako nung narinig ko yung heartbeat. First time kong nakarinig ng heartbeat,” sabi niya habang ipinakita ang litrato from his celfone ng kanilang baby kay Toni.
Pero, dumaan ulit sila sa isang pagsubok nang malaman nilang mababa ang tibok ng puso ng kanilang anak.
“Nalaman namin na mababa yung heartbeat, nasa 65 lang. So that same day, pumunta kami sa hospital, triny namin habulin, baka ma-save pa yung baby. Ginawa namin lahat,” patuloy ni Mikee.
Pero noong Disyembre 28, dumating ang masakit na balita.
“Nung dumating ‘yung December 28, nakita na namin ‘yung embryo, ‘yung baby pero wala na siyang heartbeat,” emosyonal niyang sinabi.
Malinaw sa kanilang mga mata ang pagmamahal at pagtanggap, kahit na ang sakit ng pagkawala ay naroon pa rin. Pag-uwi ng bahay, doon nag-breakdown si Alex sa pagkawala ng kanilang baby sa ikatlong pagkakataon. “Sabi saken ni Alex, kapag umiiyak ako, basta yakapin mo lang ako, and I will be okay,” sabi ni Mikee.
Ngayon, nauunawaan ni Toni kung bakit si Mikee Morada ang napiling maging asawa ng kanyang kapatid na si Alex. “Kung paano magsalita, paano magmahal sa familia, at kung paano magmahal sa bayan, ‘yun ang nakita ni Alex sa’yo, pareho kase kayo ni Daddy Bonoy in so many ways,” pahayag ni Toni.
Isang malaking blessing si Mikee Morada kay Alex Gonzaga kase nakita ni Toni and ni Alex mismo kung gaano naging patient si Mikee in handling Alex and their relationship. Saludo kami sa’yo, Mikee.
Sa episode, nagbigay din ng suporta si Toni para sa mag-asawa, na kitang-kita ang paghanga sa kanilang lakas at pananampalataya.
Nagbigay inspirasyon ang kuwento nila Alex at Mikee sa mga nanonood, at bumuhos ang dasal at pagmamahal mula sa mga netizens.
“Crying while watching this episode.. Lord sana po this 2025 ipagkaloob N’yo po sa kanila ‘yung pinagpray nila na baby,” komento ng isang YouTube viewer.
“To Alex and Mikee, I will pray na soon ibibigay ni Lord ‘yung para sa inyo talaga,” wika naman ng isa, na nagbahagi ng kanyang sariling journey sa paghihintay sa biyayang maging magulang.
Ang masakit na kuwento ng kanilang ikatlong miscarriage ay nagdala ng bagong liwanag at inspirasyon sa lahat—isang patunay na sa kabila ng mga pagsubok, ang pananampalataya at pagmamahalan ay nananatiling matatag.
Buong puso pa rin ang kanilang panalangin na darating din ang tamang panahon para sa kanilang hinihintay na biyaya. Sa kabila ng lahat ng ito, nananatiling positive and prayerful si Alex at Mikee at patuloy bilang simbolo ng lakas at pag-asa para sa lahat ng mag-asawang dumadaan sa parehong hamon at sitwasyon ng buhay.

