
Fake news…laganap po yan ngayon.
Dahil libreng magbalita sa social media sa pamamagitan ng iba’t ibang platforms nito ay sarap makisawsaw sa kahit anong isyu sa lipunan.
Mula nang mauso ang computer, cellphone, internet at iba pang mga modernong gadget mula pa noong kaagahan ng dekada 90 ay unti-unti na ring nagbago at sumulong ang pamamaraan sa pagkalap at maging sa pagpapalaganap o pagpapakalat ng impormasyon.
At napakabilis ng pag-unlad ng teknolohiya dahil halos taun-taon ay may mga bagong modelo ng TV, computer, cellphone at maging ang pag-unlad ng kaalaman ng mga tao sa buong mundo ay parang kidlat din na pinabilis ng mga ito.
Kumonti ang mga batang paslit na mas gusto na maglibang sa paglalangoy sa mga ilog at sapa.
Ayaw na nilang maglaro ng mga dating laro sa kalsada gaya ng tumbang preso, taguan, at patintero.
Ayaw na rin nilang umakyat sa mga puno, magpalipad ng saranggola at sumamang mamasyal sa kanilang mga kaibigan o kalaro.
Ito ay dahil paglalaro ng ML at pagbababad sa cellphone, computer at iba pang mga gadget ang kanilang pinagkakaabalahan.
Kahit nga ang mga tinedyer at maging ang mga nakakatanda ay kinain na rin ng sistema.
Nagkaroon kasi ng chance na matuto at ma-enjoy ang kaunlarang ito ng bagong teknolohiya.
Hi-tech na ang pagpapa-cute, pagpapapansin, pakikialam sa mga isyu, pakikipag-marites, at pati na ang pagsusugal at pagtitinda ay online na rin.
Mas marami ang naging tamad dahil ultimo pagsa-shopping o pag-order ng mga pagkain pati na ang paglilipat ng mga gamit ay pipindutin na lang at nasa cellphone na lahat.
At ang fake news sa social media ay napakabilis gawin at palaganapin.
Gagawa ka lang ng isang isyu na alam mong tatawag sa atensyon ng mga adik sa impormasyon at tsismis sa kahit anong platform partikular sa youtube, facebook, Tiktok at Instagram ay sisikat ka na kapantay ng mga sikat na reporter at celebrities na may kani-kanyang youtube channel at FB page.
Wala kang pakialam kung marami ang mabudol mo sa iyong maling impormasyon na ipinakalat dahil ang intensyon mo lang naman ay ang content mo na hindi pangkaraniwan.
Para ito ay mag-viral.
Kaya marami man ang bumabatikos sa ginagawang imbestigasyon sa Kamara tungkol sa fake news eh kung ang inyong lingkod ang tatanungin ay napapanahon na talagang bigyan ng leksyon ang mga sawsawero at sawsawera sa social media na fake news lang ang hinahase.
Pero paano nga gagawin ito samantalang hindi naman makokontrol ang mga ito hangga’t nariyan ang mga platform sa social media na kanilang sinasakyan.
Ang katwiran ng mga gumagawa ng fake news ay gagawin namin ang gusto namin kasi karapatan namin yan at hanapin nyo kami at hulihin kung kaya nyo.
Ganoon sila katatapang.
Matapang gumawa ng fake news at matapang din manindigan para dito.
Binabanatan pa nga nila ang mainstream media at sinasabi nila na di raw uubra sa kanilang katapangan ang mga ito.
At madalas ay inuupakan nila ang mainstream dahil magaling daw maglihis ng balita at bayad ang mga ibinabalita..
Tsk Tsk tsk.
Ang mainstream media ay may sinusunod na etika at pamantayan sa kanilang mga pag-uulat.
At ang kadalasan na kanilang ginagawa ay may kalakip na responsibilidad at masusing pag-iingat sa kanilang pagbabalita.
Kung mayroon mang mga tagapagbalita, komentarista o iba pang kauri nito na kumikiling minsan sa isang isyu o personalidad, iyon ay kanyang sariling pananaw.
Subali’t nakataya doon ang kanyang pangalan at kredibilidad dahil nakalantad ang kanyang tunay na mukha at tunay na pagkatao.
At kung may mali o sablay sa kanilang mga ginagawa ay napakadali naman na sila ay kasuhan o idemanda.
Pero itong mga gumagawa ng fake news sa social media ay madalas na nagtatago sa dilim habang ang mga naaapektuhan sa kanilang mga ginagawa ang nagdurusa.
Paano makokontrol ito?
……………makokontrol ba?