



Kahit ilang dekada na ang lumipas, walang kupas ang ningning ni Vilma Santos-Recto! Patunay dito ang pinakabagong libro na ‘Vilma, Icon: Essays on Cinema, Culture & Society’, na unang ipinakilala sa Philippine Book Festival na ginanap sa Megatrade Hall, SM Megamall noong Marso 13 hanggang 16, 2025.
Ang librong ito, inilathala ng UST Publishing House, ay koleksyon ng mga sanaysay mula sa mga eksperto’t akademiko na naglalaman ng malalimang pagsusuri sa naging kontribusyon ni Ate Vi sa pelikula, kultura, at lipunang Pilipino. Pinangunahan nina Lito Zulueta at Augusto Antonio Aguila ang book signing noong Marso 15 at 16, na dinagsa ng mga tagahanga, film scholars, at cinephiles na gustong mas lumalim ang appreciation sa legacy ng Star for All Seasons.
Ayon kay Zulueta, hindi lang basta artista si Vilma Santos-Recto—isa siyang institusyon! Mula nang magsimula siya bilang child star sa pelikulang ‘Trudis Liit’ (1963)—kung saan agad niyang nakuha ang kanyang unang FAMAS award bilang Best Child Performer—hindi na siya tumigil sa pagpapamalas ng kanyang husay. Sa loob ng anim na dekada, nagbida siya sa mahigit 230 pelikula, mula drama hanggang action, horror, at fantasy.
Kaya naman, sunod-sunod din ang kanyang mga parangal. Noong 1989, itinanghal siyang FAMAS Hall of Famer matapos magwagi bilang Best Actress ng limang beses para sa ‘Dama de Noche’ (1972), ‘Pakawalan Mo Ako’ (1982), ‘Relasyon’ (1982), ‘Tagos ng Dugo’ (1987), at ‘Ibulong Mo sa Diyos’ (1988).
Hawak din niya ang record bilang isa sa pinakamaraming beses na ginawaran ng Gawad Urian Best Actress (8 trophies), Film Academy of the Philippines Best Actress (4 trophies), PMPC Star Awards for Movies Best Actress (9 trophies), at Metro Manila Film Festival Best Actress (5 trophies). Dagdag pa diyan ang Catholic Mass Media Awards at Young Critics Circle recognitions.
At sino bang makakalimot na si Ate Vi ang OG Darna? Apat na beses niyang ginampanan ang iconic na Pinay superhero sa ‘Lipad, Darna, Lipad’ (1973), ‘Darna and the Giants’ (1973), ‘Darna vs. The Planet Women’ (1975), at ‘Darna at Ding’ (1980)— na puro blockbuster sa takilya!
Si Ate Vi ay hindi lamang reyna ng pelikula, reyna rin siya maging sa telebisyon.
Hindi lang pelikula ang pinaghariang larangan ni Ate Vi. Sa telebisyon, mula pa noong ‘70s, pinatunayan niyang siya ang ultimate TV queen sa mga programang ‘The Sensations’ at ‘Dalambuhay ni Rosa Vilma’. Pero mas lalong tumatak ang kanyang variety shows na ‘VIP (Vilma in Person)’ at ‘Vilma’, na umere mula ‘80s hanggang ‘90s at naging staple tuwing Sabado ng hapon.
Si Vilma ay isang buhay na halimbawa ng maka-Filipino, maka-kultura at maka-sining.
Ayon kay Aguila, ang ‘Vilma, Icon’ ay binubuo ng 19 na sanaysay na isinulat ng mga eksperto mula sa iba’t ibang unibersidad. Ang mga awtor ay pawang may master’s o doctorate degrees, kaya’t paniguradong deep dive ang analysis sa kahalagahan ni Ate Vi sa sining at kulturang Pilipino.
“Hindi lang ito libro tungkol kay Vilma bilang aktres. Isa itong pagninilay sa kanyang naging impluwensya bilang artista at bilang simbolo ng ating pagka-Pilipino,” paliwanag ni Aguila.
Sa kabila ng matinding excitement para sa official launch ng libro, napagdesisyunang ipagpaliban ito hanggang matapos ang May 12, 2025 National and Local Elections. Dahil may political background si Ate Vi bilang dating gobernadora ng Batangas (2007-2016) at may inaabangang kandidatura, minabuting iwasan ang anumang intriga o color-coding sa libro.
Tunay na walang kupas ang isang Vilma Santos-Recto. Nag-iisa siya sa kanyang level at liga. Wala na yata makakapantay sa achievements na meron ang Star for all Seasons.
Anim na dekada sa industriya pero hindi kumukupas—ganyan ang power ni Vilma Santos-Recto! At sa paglabas ng ‘Vilma, Icon’, masisiguradong hindi lang mga pelikula niya ang tatatak sa kasaysayan, kundi pati ang kanyang pamana sa sining at kultura ng Pilipinas.
Kaya sa mga Vilmanians (na tulad ko), cinephiles, at cultural enthusiasts—ABANGAN! Matapos ang eleksyon, siguradong bonggang-bongga ang full launch ng librong ito. Walang makakapigil sa reyna, dahil sa puso ng Pilipino—Vilma Santos-Recto, ikaw pa rin ang tunay na Star for All Seasons!
‘Yun na!

