“Kaya sinasabi ko sa inyo, huwag kayong mag-alala tungkol sa inyong buhay – kung ano ang inyong kakainin, iinumin o susuotin. Dahil kung binigyan kayo ng Dios ng buhay, siguradong bibigyan din niya kayo ng pagkain at isusuot. Mateo 6 : 25-34
MARAMi sa atin ang madaling mawalan ng pag-asa…mabilis matalo ng kabiguan at malunod sa kawalan.
Dahil sa mga sunud-sunod na problema at pagdurusa sa buhay, ang kamalayan bilang tao ay napupuno ng kawalang-pag asa sa pagkabagot sa buhay.
Madalas ay nagiging dahilan ito ng depresyon na kung minsan ay humahantong pa sa pagpapakamatay.
Nais na kitlin na lamang ang sariling buhay upang matakasan ang mga sangkatutak na problema na nagiging dahilan ng hirap dusa at kalungkutan.
Bakit nga ba humahantong sa ganito ang karamihan sa ating mga kapatid?
Kapos sa kapalaran?
Hindi sinuwerte sa kanyang buhay?
At walang patid ang naranasan na mga pagdurusa sa buhay.
Tulad ng isinaaad ng berso na ito, ang lahat ng bagay na nilikha ng ating panginoon ay may katimbang…may katapat at may kasukat.
Kung may dumarating sa atin na mga suliranin mabibigat man o magaan, ito ay may katapat na solusyon basta’t kumilos ka lamang upang hanapin ito at iyong matatagpuan.
Ang gutom ay laging may katapat na tubig at pagkain.
Kung wala kang damit na susuotin ay mahahanap mo ito o matatagpuan dahil ito ay nakatakda para sa iyo.
Ibig lamang sabihin na ang ating pananampalataya kung atin lamang isasapuso, isasaloob at pagtitibayin, walang imposible kung may mga suliranin man na humarang sa ating daan.
Wala tayong madaramang pag-aalinlangan o takot dahil buo ang ating paniniwala na nariyan lagi ang ating panginoon upang tugunan ang ating pangangailangan maging ito man ay materyal o ispiritwal.
Lagi siyang nariyan at gumagalaw ng hindi natin nakikita.
Nakasubaybay sa kanyang mga anak upang ibigay ang ating mga pangangailangan.
Kaya’t hindi natin dapat isuko ang ating buhay sa dusa at kalungkutan manapa’y isuko natin ang lahat sa ating panginoon upang makamit natin ang katiwasayan sa ating buhay.
Kaya tayong mga nasa gitna ng lungkot, dusa at malalim na suliranin ay hindi dapat na manlumo at mawalan ng pag-asa…dahl ang panginoon ay laging sasagot sa ating mga tanong at magkakaloob ng biyaya sa mga kapuspalad.