
Ayon kay Commission on Elections (Comelec) Chairperson George Erwin Garcia, inaasahang magiging laganap ang vote-buying sa nalalapit na Eleksyon 2025, kaya’t kinakailangan itong mahigpit na bantayan.
“Ini-expect natin sa darating na election magiging talamak ang vote-buying,” pahayag ni Garcia.
Batay sa obserbasyon ng Comelec, posibleng umiwas ang mga sangkot sa vote-buying na gumamit ng mga payment platform, dahil alam nilang mahigpit itong binabantayan. Dahil dito, inaasahan na mas magiging personal ang pagbibigay ng bayad kapalit ng boto.
“Kung ikaw nagpadala sa dalawampung tao mahigit sa isang araw sa isang transaksyon, presume namin na engaged sa vote-buying,” dagdag pa ni Garcia.
Upang labanan ang bilihan ng boto at iba pang paglabag sa mga patakaran ng eleksyon, naghahanda ang Comelec sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa National Bureau of Investigation (NBI).
Kamakailan, nilagdaan ni Garcia at NBI Director Ret. Judge Jaime Santiago ang isang memorandum of agreement upang tiyakin ang pagbabantay sa Eleksyon 2025. Ayon kay Santiago, hindi ilalantad ng NBI ang mga estratehiyang gagamitin nila para sa mas epektibong pagsubaybay.