
SOBRA ang lamig sa madaling araw at sobrang init sa buong maghapon.
Malakas ang hangin sa mga bayan at lalawigan tuwing madaling araw bagama’t sa loob ng Metro Manila ay mainit ang singaw dahil na rin ng papalapit na summer time pero kung susumahin eh talagang ‘vaklah’ na yata ang ating panahon.
Kumbaga eh hindi na tumatama sa petsa ang tamang klima at ang matinding epekto nito sa mga mamamayan ay talagang nararamdaman.
Nakakapanibago.
At balita natin ay apektado rin ng nakakalitong klima na ito ang mga alagang hayop ng ating mga magsasaka.
Panay pa rin ang ambon at ulan paminsan-minsan at mas malamig pa sa panahon ng kapaskuhan kung minsan ang ating nararanasan tuwing kaagahan ng madaling araw.
Kaya’t dapat lang marahil na makiisa ang lahat sa panawagan na magkaroon ng concern ang bawat isa para sa pangangalaga at pagpapanatili ng kalinisan sa ating paligid at komunidad.
Bagama’t ito naman talaga ang nararapat na gawin ng bawat indibidwal at tungkulin natin na pag-ukulan ng pagmamahal ang ating inang kalikasan ay madalas naman na ito ay naipagsasawalang-bahala.
Samantalang kung ang bawat isa lamang ay magiging bukas ang isipan upang ito ay isabuhay ay malaki ang maitutulong nito upang mapreserba ang malinis na hangin sa kapaligiran at ito ang makarating sa ulap sa halip na maruming usok at alikabok ang araw-araw na humahalik sa kanya.
Si Hagupit ay lubos na nakikiisa at sumusuporta sa Earth Hour celebration na isinagawa sa Lungsod ng Quezon sa pangunguna ni Mayor Joy Belmonte.
Pinangunahan niya ang Earth Hour kagabi dakong alas-8:30 na idinaos sa Robinson’s Magnolia’s Central Garden.
Ang mensahe ni Mayora sa kanyang speech ay napapanahon at talagang kapaki-pakinabang kung ang bawat isa ay tatalima upang tumulong at makiisa sa pag-iingat, pagmamahal at pangangalaga sa ating inang kalikasan sa pamamagitan ng maliliit na bagay na ginagawa natin sa araw-araw.
Hindi ito dapat ipagwalang bahala dahil ang mga susunod na henerasyon ay dapat ring makatikim ng sariwang hangin at luntiang paligid.
Pero kung dudumihan natin ang ating kapaligiran at bubulukin natin ang ating planeta ay ano kaya ang kanyang kahihinatnan sa mga darating na panahon.
Sana’y hindi lamang ang Lungsod na ito ang magkaroon ng ganitong special na concern sa ating malinis at malusog na kalikasan.
oooo0000ooo000ooo
Si Madam Senator at presidential sister Sen. Imee Marcos ay nawawala sa line up ng Bagong Alyansa sa kanilang campaign rally para sa mid-term elections at gayundin ang isa pang kandidato na si Camille Villar.
Hmmmnnn inilaglag na ba niya si BBM…o inilaglag siya ng kanyang kapatid?
Hindi naman ngayon lang may mga ganyan sa pulitika eh…at hindi imposible sa loob ng isang pamilya na nagkakaroon ng magkakaibang paniniwala sa pulitika at sa mga grupo o partido na nais nilang panigan.
Puwede rin na dumidistansiya si Sen. Imee sa Alyansa at gusto niyang mangampanya na lamang ng solo kung saan marahil siya mas komportable.
Bagama’t hanggang ngayon ay consistent siya sa pagsuporta kay dating Pangulong Rodrigo at Duterte at sa kanyang kaibigan na si VP Inday Sara Duterte, ay nababansagan pa rin siya na manggagamit at nagbabalatkayo lamang umano dahil imposible umano na mas bumigat pa ang timbang ng tubig kaysa dugo.
Pero consistent nga eh…
Ang pulitika talaga…iba! Pana-panahon!