

NAKABAWI na si Kim Chiu sa ilang araw na karanasang naging biktima siya ng mga pambabatikos dahil lang sa isang katagang kanyang binitiwan habang nagho-host sa “It’s Showtime!” Isang salitang iniuugnay sa isang kontrobersiyal na kaganapan sa Pilipinas kamakailan na may halong pulitika
Kasabay ng mga pagbatikos kay Kim, sa isang probinsiya ay gumulat sa publiko ang tanawing isang lalake ang nagpupukpok ng mga pako at tinatakpan ang mukha ng chinitang aktres, sa tarpaulin ng Julie’s Bakeshop na siya ang endorser. Paulit-ulit iyong nakikita sa social media.
Nitong huli, nakipag-ugnayan na kay Kim ang Management ng Julie’s Bakeshop, kasama ng mga handog para sa aktres ang isang sulat na nagsasabing: “… Please know that we are here for you and fully support you. We do not condone the recent incident in Mindanao, and rest assured that we already taken the necessary steps to address the matter. Once again, thank you for being our Ka-Freshness! Love, Julie’s Family.”
Iyon naman ang maganda sa ugnayan ng mga kumpanya at ng mga artistang kinukuha nilang endorser ng kanilang mga produkto. Walang iwanan sa ere.
Pero, malalaman natin sa magiging resulta sa takilya ng bagong pelikula nina Kim at Paulo Avelino kung may epekto ba ang katatapos na kontrobersiya ng chinitang aktres.

PIOLO PASCUAL, AYAW TANTANAN NG MGA PANG-IINTRIGA
HALOS tatlong dekada na sa showbiz bilang artista si Piolo Pascual. Pero mas mahaba na ang panahon ng kanyang kasikatan, dahil bukod sa kaguwapuhan ay umangat ang kanyang pangalan bilang mahusay na aktor na bumilang na din sa dami ng mga karangalang natanggap.
Kakambal ng nagtatagal na kasikatan ni Piolo ay ang paulit-ulit na mga intrigang ang intensiyon ay siraan at pabagsakin siya
Nitong huli, parang nananadya na paulit-ulit ibinabalik ang intriga tungkol sa closeness nila ng guwapong young actor na si Kyle Icharri. Talagang lihim pa silang kinunan ng video habang naglalakad at diumano’y mga nakainom ng alak galing sa isang bar sa El Nido, Palawan.
Hindi nagpapaapekto si Piolo sa mga ganitong intriga. Siya rin ang nagsabi na hindi siya masyadong ma-social media na tipo ng tao, pero nakakarating sa kaalaman niya ang mga intriga.
Magkaibigan sina Piolo at Kyle dahil nagkasama sila sa nagtapos na teleseryeng “Pamilya Sagrado” ng ABS-CBN.
