



Sa mundo ng konstruksyon na matagal nang pinamamayani ng mga kalalakihan, isang babae ang patuloy na gumagawa ng ingay—hindi lang dahil sa kanyang husay bilang isang negosyante, kundi dahil na rin sa kanyang matapang na kwento ng pagsusumikap at tagumpay. Siya si Madame Ma. Linda Advincula ‘Lyn’ Macanas, isang tunay na inspirasyon hindi lamang sa mga kababaihan kundi sa lahat ng nangangarap na makaahon sa hirap.
Mula sa pagiging isang batang walang makain at naglalakad ng siyam na kilometro para lang makapasok sa paaralan, ngayon ay isa na siyang matagumpay na CEO ng Chrizmarie Builders and Construction Supply, isa sa mga nangungunang construction firms sa bansa. Pero hindi doon nagtatapos ang kanyang kwento—dahil ngayong 2025, kasama ang kanyang business partner mula Thailand na si Ms. Kwan Wannathong, inilulunsad nila ang LM Make Up and Skin Care, isang produktong pampaganda na espesyal na ginawa para sa mga Pilipino.
Si Madame Lyn ay imahe ng isang babaeng lumaban sa kapalaran. Kung may kwento ng resilience at determinasyon na parang pelikula, tiyak na si Lyn Macanas ang bida. Bata pa lang siya, ramdam na niya ang lupit ng buhay.
“Ako’y isang tubong Samar. Galing sa isang pinakamahirap na buhay. Walang makain during nung aking kabataan.”
Wala siyang ina at hindi sapat ang presensya ng kanyang ama para matugunan ang pangangailangan nilang magkakapatid. Dahil dito, napilitan siyang manirahan sa kanyang mga kamag-anak—pero hindi naging madali ang buhay niya roon.
“Lagi ka pahihirapan ng mga kamag-anak mo. You have to work very hard to survive, at para makakain.”
Naranasan niyang magpastol ng kalabaw, magpakain ng baboy at manok bago pumasok sa paaralan. At para lang hindi magutom, nangunguha siya ng bayabas sa tabi-tabi. Pero sa kabila ng lahat ng ito, hindi siya sumuko.
“Ang hirap ng buhay pero kailangan i-survive.”
Ang pangarap ni Madame Lyn ay hindi niya iniwan. Sa kagustuhang makatakas sa kahirapan, mas pinili niyang magpakasal sa murang edad, umaasang magiging daan ito sa mas maginhawang buhay. Pero napagtanto niyang hindi iyon ang sagot.
“Akala ko solution ‘yun sa hirap ng buhay ko, pero hindi. In short, wala rin.”
Nang siya’y nagkolehiyo, lalong naging mahirap ang kanyang sitwasyon. Para lang matustusan ang kanyang pag-aaral, kumapit siya sa kahit anong pwedeng pagkakitaan.
“Kailangan ko dumikit sa mga mayayaman kong kaibigan para gumawa ng assignment nila. At para may pambayad ako ng tuition fee, nagbebenta din ako ng mga kaldero para mag-survive.”
Sa kabila ng lahat ng hirap, hindi siya sumuko. Ang inspirasyon niya? Ang gutom, ang paghihirap, at ang pangarap niyang mabigyan ng mas magandang buhay ang kanyang mga anak.
“Ang inspirasyon ko para magtagumpay ay ‘yung kahirapan ko. ‘Yung wala akong makain. ‘Yun ‘yung inspirasyon ko na kailangan ko mag-survive. Kailangan ‘yung mga anak ko ay hindi matulad sa akin.”
Isa siyang simbolo ng tagumpay ng mga kababaihan. Sa ngayon, hindi lang siya matagumpay sa larangan ng konstruksyon kundi pati na rin sa pagpapalakas ng loob ng ibang kababaihan. Dahil dito, pinili nilang ilunsad ni Ms. Kwan Wannathong ang kanilang negosyo sa mismong International Women’s Day upang ipakita ang lakas at kakayahan ng mga babae sa mundo ng negosyo.
Ang kanilang produkto, LM Make Up and Skin Care, ay hindi basta-basta. Ginamitan ito ng pinakabagong French at Spanish innovations upang siguraduhin na ang bawat produkto ay swak sa Filipino climate at complexion. Kasama sa kanilang beauty line ang soaps, creams, lotions, at serums—kumpletong pampaganda na abot-kaya at dekalidad.
Bukod sa Pilipinas, ipakikilala rin nila ito sa buong Southeast Asia, isang patunay na hindi lang sila basta beautypreneurs—isa rin silang halimbawa ng tunay na women empowerment.
Dahil sa kahanga-hangang kwento ng kanyang buhay, hindi maiwasang tanungin si Lyn: Kung gagawing pelikula ang kanyang buhay, sino ang gusto niyang gumanap bilang siya?
“Pagka ako ang tinanong mo? Nakakahiya man, gusto ko talaga si Vilma Santos.”
Pero kung mas batang aktres?
“Si Kathryn (Bernardo). Bakit si Kathryn? Kase, ‘yung awra ng mukha ni Kathryn ay parang awra ko rin.”
Kung tutuusin, parang isang pelikula nga ang kanyang buhay—isang kwento ng pagsubok, pagsusumikap, at walang kapantay na tagumpay.
Sa mundo ng negosyo, lalo na sa industriyang tila eksklusibo para sa mga lalaki, pinatunayan ni Lyn Macanas na walang imposible. Isa siyang babaeng palaban, may puso, at may pangarap na hindi matitinag.
Mula sa hirap at gutom, siya ngayon ay isang matagumpay na negosyante at isang babaeng handang magsilbing inspirasyon sa marami. Kung may isang bagay na mapapatunayan niya, ito ay ang hindi kailanman hadlang ang kahirapan sa tagumpay—dahil ang tunay na tagumpay ay para sa mga may pusong lumalaban.
‘Yun na!
