

Mula sa showbiz patungong international ventures, Eduard Bañez patuloy sa kanyang makulay na journey!
Si Eduard Bañez, dating Star Magic artist, modelo, host, at newscaster sa Net25, ay hindi lang basta-bastang personalidad sa showbiz. Bata pa lang, hilig na niya ang pagkanta—pero noong 17 years old siya, doon niya talaga pinagtuunan ng pansin ang kanyang musika.
Isa sa mga unang sumikat niyang cover ay ang rendition niya ng ‘Kahit Maputi Na Ang Buhok Ko’ ni Sharon Cuneta, na umabot ng mahigit 120,000 views sa YouTube noon! Dahil dito, napansin siya at naging bahagi ng Star Magic Batch 15, kung saan ka-batch niya sina Miss World 2013 Megan Young, Bela Padilla, at Jessy Mendiola.
Pero hindi lang showbiz ang naging mundo ni Eduard—napagsabay niya ang pag-aaral ng nursing sa New Era University habang tinatahak ang entertainment industry. Ang bongga, ‘di ba?
Mula showbiz nagpatuloy si Eduard patungong radyo at telebisyon. Bukod sa pagiging artista, pinasok din ni Eduard ang mundo ng broadcasting. Isa siya sa mga co-anchor ni Arnell Ignacio sa programang Radyo Singko 92.3 News FM at naging newscaster din sa Net25.
Hindi lang ‘yan—nagkaroon din siya ng acting stint sa TV sitcom na ‘My Darling Aswang’ kasama ang comedy legend na si Vic Sotto at ang bonggang Brazilian beauty na si Daiana Meneses. Ito ay sa direksyon ng yumaong Bert de Leon noong 2010.
Bongga din ang naging paglipad ni Bañez papuntang Amerika! Sa takbo ng buhay, dumating ang pagkakataong makapagtrabaho si Eduard sa Amerika—at hindi lang basta trabaho, ha! Sa loob ng limang taon sa California, nakasama niya ang global music icons na sina Ed Sheeran at Justin Bieber sa music video ng ‘I Don’t Care’!
Dagdag pa riyan, naging bahagi rin siya ng production team ng ‘Chandelier’ ni Sia—kung saan ginamit nila ang antique furniture mula Africa para sa set. Pak! Sosyal!
“Nagkaroon ako ng pagkakataong makatrabaho ang malalaking pangalan sa Hollywood, at isa ‘yun sa pinaka-unforgettable experiences ko,” ani Eduard. “They are true professionals, at natutunan kong itaas pa ang standards ko sa trabaho.”
Trabaho, pag-aaral, at new ventures sa Amerika ang naging drama ko sa ibang bansa. Habang nasa U.S., ipinagpatuloy ni Eduard ang kanyang pag-aaral sa University of California, Los Angeles (UCLA), kung saan kinuha niya ang political arts at media history.
Hindi rin siya tumigil sa entertainment—naging bahagi siya ng isang sitcom sa Nickelodeon at nagtrabaho rin sa sikat na Six Flags, ang theme park na kilala sa pinakamalalaking roller coasters sa mundo.
Paano nga ba ang buhay niya sa Amerika, tanong ng Pinoy News Channel?
Para kay Eduard, naging transformative ang experience niya sa Amerika. “Dito, natuto akong maging independent at mas lumawak ang pananaw ko sa mundo,” ani niya.
Sa Pilipinas, malakas ang pamilya at community support, pero sa ibang bansa, natutunan niyang umasa sa sarili at makisama sa iba’t ibang kultura. “Dito, mas narealize ko na mahalaga ang pagiging adaptable at open-minded sa iba’t ibang pananaw sa buhay.”
Bukod sa kanyang career sa entertainment at academe, abala rin si Eduard sa bagong venture—isang dating app!
“Ito ay inspired sa ideya ng pagbuo ng meaningful connections, hindi lang basta superficial matches,” ani niya.
Sinubukan mismo ni Eduard ang app para maunawaan ang user experience. “It made me realize kung ano ang kulang sa ibang dating apps ngayon,” sabi niya. “Dito, mas pinapalalim ang compatibility ng users para hindi lang puro ‘swipe left’ o ‘swipe right.’”
Babalik nga ba si Eduard sa showbiz?
Kahit busy sa ibang larangan, hindi isinasara ni Eduard ang pinto sa entertainment. “I am not closing my doors entirely,” aniya. “Gusto kong gumawa ng meaningful projects na may impact hindi lang sa Pilipinas, kundi pati sa international audience.”
Gusto rin niyang makatrabaho ang Hollywood stars na sina Timothée Chalamet at Zendaya dahil sa kanilang ‘dynamic presence’ onscreen.
Isa lang ang sigurado—hindi titigil si Eduard sa pag-abot ng kanyang pangarap!
Patuloy ang laban at patuloy ang tagumpay na ginagawa at tinatamasa ni Eduard Bañez sa ibang bayan.
Sa ngayon, masaya si Eduard sa kanyang journey sa Amerika. Nagtatrabaho siya sa 99 Ranch, pinagpapatuloy ang kanyang pag-aaral, at patuloy na tinutuklas ang mas maraming oportunidad.
Ang kanyang determinasyon at positive mindset ang nagpapatibay sa kanya para harapin ang mas malalaking challenges. Tulad nga ng kasabihan, “Once in showbiz, always in showbiz”—kaya abangan natin kung kailan muling sasabog ang kanyang bituin sa industriya!
Push mo ‘yan, Eduard! Pak na pak!
‘Yun na!
