
Kinumpirma ng Department of Foreign Affairs (DFA) na makakauwi na sa Pilipinas si Mary Jane Veloso sa darating na Disyembre 18. Ayon kay DFA Undersecretary Tess Lazaro, inaasahang darating si Veloso sa bansa dakong alas-6 ng umaga sa nasabing petsa.
Si Veloso, 39 taong gulang, ay naaresto noong 2010 sa Indonesia matapos mahulihan ng 2.6 kilo ng heroin, na itinuturing na iligal na droga. Noong 2015, ipinagpaliban ng dating Pangulong Joko Widodo ng Indonesia ang nakatakdang pagbitay kay Veloso, matapos lumabas ang impormasyon na siya umano ay biktima ng human trafficking.
Noong Hunyo 2023, binisita si Veloso ng kanyang pamilya sa Yogyakarta. Samantala, noong Enero ng parehong taon, humiling ng clemency ang pamilya nito kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. Sa isang pahayag noong Nobyembre, sinabi ni Pangulong Marcos na nagkaroon ng kasunduan ang Pilipinas at Indonesia para mailipat si Veloso sa Pilipinas. Nagpasalamat din siya sa bagong Pangulo ng Indonesia, si Prabowo Subianto, sa naging kooperasyon.
Hinihiling naman ng mga magulang ni Veloso na mailagay siya sa isang pasilidad na may mahigpit na seguridad dahil sa pangamba nilang maaaring may banta sa kanyang buhay mula sa international drug syndicate.