IT’S nice to be back!
Matapos ang ilang buwan na pamamahinga sanhi ng iba’t ibang pangyayari na nagpabago sa maayos na daloy ng mga gawain at responsibilidad ay muli pong nagbabalik ang inyong lingkod, HAGUPIT… upang ipagpatuloy ang ating pagbibigay ng serbisyo publiko sa ating mga kababayan na nangangailangan ng ating tulong sa pamamagitan ng paghahatid ng mga mahahalagang impormasyon tungkol sa tunay na kaganapan at mga pangyayari sa ating paligid at gayundin sa iba pang mga problema na maari nating maaksyunan sa abot ng ating makakayanan.
Tulad po ng dati, muli nating papasadahan ang mga pasaway nating mga kababayan na walang kasawa-sawa sa paggawa ng mga kabalbalan at anomalya sa araw-araw na nagdudulot po naman ng mga problema at malalaking suliranin hindi lamang sa mga awtoridad at mga namumuno sa pamahalaan kundi lalo na sa ating mga inosente at tahimik na mga mamamayan na madalas na nadadamay sa mga gusot na kanilang nililikha.
Kaya, humanda po ang mga animal na yan dahil narito tayong muli upang sila ay hagupitin ng paaalala at pagbibigay babala upang sila basagin o pigilan sa kanilang mga maiitim na gawain.
Hmmmnnn medyo masama ang pasok ng linggong ito para sa ating mga kababayan na nasa paligid lamang nitong bulkang Kanlaon na sinasabing posible na magkaroon ng mas delikadong sitwasyon sa paparating na mga araw matapos ang naging pag-aalburuto nitong Lunes.
Ayon sa PHIVOLCS, lubhang delikado para sa mga residente na malapit sa Kanlaon Volcano at katunayan ay itinaas na ang Alert Level 3 upang bigyan ng babala ang lahat na seryoso at hindi basta normal na pagsabog lamang ang naganap nitong nakaraang lunes.
Dahil diyan ay awtomatikong ipinagbabawal ang pagpasok ng sinoman sa six-kilometer danger zone upang maiwasan ang anumang kapamahakan na posibleng magdulot ng pinsala o kamatayan sakali at muling mag-alburuto ang bulkan.
Ayon sa tanggapan ng Civil Defense posibleng aabot sa 87,000 katao ang nakatakdang ilikas mula sa kanilang mga tahanan kasunod ng naturang pagsabog.
Agad na rin umanong sinuspinde ang mga klase sa mga paaralan at maging sa mga tanggapan ng pamahalaan sa Canlaon sa Negros Oriental.
Tsk Tsk sana naman ay hindi magtagal sa sitwasyong yan ang ating mga kababayan na apektado ngayon ng problema na dulot ang pagsabog ng Kanlaon.
Magpapasko pa naman at halos ilang araw na lamang ay ipagdiriwang na ang araw ng pagsilang ng ating panginoon.
Sana’y mabigyan ng kaukulang tulong ang mga naapektuhan ng pagsabog na ito ng bulkang Kanlaon at idinadalangin natin na wag nang magpatuloy ang masamang sitwasyon na ito sa nabanggit na lugar upang makabalik na rin sa kanilang normal na pamumuhay ang lahat.
OOOOOOO00000000oooooooOOOOOO
Hindi pa natatapos ang 2024 ay nagkalat na ang tarpaulin ng mga hinayupak na EPALITIKO sa iba’t ibang panig ng bansa partikular dito sa Metro Manila at mga karatig lalawigan.
Mistulang kampanyahan na para sa paparating na 2025 mid term elections ang dating ng kanilang sandamukal na tarpaulin na kung hindi nakasampay sa mga poste ay nakatapal sa likod at harap ng mga traysikel.
Kunsabagay, karamihan sa mga pulitiko ay wala naman talagang mga hiya.
Eh hanapbuhay na para sa kanilang pagtakbo sa eleksyon kaya kahit alam nilang bilasa na sila at bistado ang kara ay hindi pa rin mapigilan ang sarili sa pagtakbo dahil andiyan ang kanilang mina ng salapi.
Di nga ba ang sabi ng mga matatanda natin…kung gusto mo yumaman at naghahanap ka ng malakas na negosyo na walang talo, aba ay pulitika at relihyon ang pasukin mo andiyan ang pera!
Nakow! Eh kayo na lang…
