Isang bonggang selebrasyon ang naganap sa Golden Bay Seafood Restaurant noong Enero 29, 2025, kung saan ginanap ang taunang Chinese New Year Dinner Reception at Special Awards Ceremony ng Federation of Filipino Chinese Chambers of Commerce and Industry, Inc. (FFCCCII) sa pangunguna ni Dr. Cecilio K. Pedro.
Bukod sa pagsalubong sa Year of the Wooden Snake, ang gabing iyon ay naging makasaysayan rin dahil sa pagbibigay-parangal sa apat na natatanging Pilipino na nagpakitang-gilas sa larangan ng kultura, sining, media, at disenyo. Kabilang sa mga ginawaran ng pagkilala sina Former First Lady Imelda Romualdez Marcos, multi-awarded broadcast journalist Jessica Soho, premyadong scriptwriter at National Artist for Film and Broadcast Arts Ricky Lee, at world-renowned designer Kenneth Cobonpue.
Ginawaran si Former First Lady Imelda Romualdez Marcos bilang pagkilala sa kanyang naging papel sa pagtatag ng Philippines-China diplomatic relations noong 1975 sa ilalim ng administrasyon ng kanyang yumaong asawa, si dating Pangulong Ferdinand Edralin Marcos. Dahil sa kanyang edad, hindi nakadalo si Imelda, kaya’t ang kanyang anak na si Senator Imee Marcos ang tumanggap ng parangal para sa kanya. Sa kanyang speech, ibinahagi ni Imee ang kasaysayan ng kanilang pamilya na may lahing Tsino, partikular ang kanilang ninunong si Pei Ling Po, isang Chinese immigrant na naging Luis Romualdez matapos mabinyagan bilang Katoliko noong panahon ng mga Kastila.
Isa pang pinarangalan ay si Ricky Lee, isang huwarang manunulat at alagad ng sining at ang henyo sa likod ng maraming dekalibreng pelikula, dula, at nobela. Bukod sa kanyang ambag sa sining, kinilala rin siya para sa kanyang bagong pelikulang ‘Green Bones’, na nagbigay ng pagpupugay sa paniniwalang Tsino na ang ‘green bones’ ay sumisimbolo sa kabutihan ng isang pumanaw. Kwento pa ni Ricky, ang kanyang yumaong ama na si Lee Hian Chin ay minsang nagsilbing Secretary General ng Camarines Norte Filipino Chinese Chamber of Commerce, kaya’t ang parangal na ito ay may espesyal na kahulugan para sa kanya.
Hindi rin pinalampas ang pagkakataong kilalanin si Jessica Soho. Si Jessica ay ang Reyna ng makabuluhang pagbabalita. Isang haligi ng broadcast journalism sa Pilipinas. Kilala siya sa kanyang integridad at husay sa paghahatid ng dekalidad na balita at dokumentaryo. Kamakailan, gumawa siya ng isang espesyal na TV documentary kung saan binalikan niya ang pinagmulan ng kanyang pamilya sa Guangdong province, China. Ayon kay Jessica, ang paggalugad sa kanyang lahing Tsino ay isang napakahalagang karanasan para sa kanya bilang mamamahayag at bilang isang Pilipino.
Syempre, hindi rin mawawala sa listahan ang world-class furniture designer at hari ng modernong disenyo na si Kenneth Cobonpue. Kilala siya sa kanyang kakaibang approach sa disenyo na nag-angat sa Philippine industrial design sa pandaigdigang eksena. Sa kanyang mga likha, ipinagmamalaki niya ang galing ng mga Pilipino pagdating sa sining at craftsmanship.
Ang gabing iyon ay hindi lang tungkol sa pagbibigay-parangal, kundi isa ring kick-off celebration para sa 50th anniversary ng Philippines-China diplomatic relations na gaganapin sa Hunyo 5, 2025. Inaasahang magkakaroon ng iba’t ibang cultural at economic initiatives bilang pagpapakita ng mas pinatatag na ugnayan ng dalawang bansa.
Kasabay ng paggunita sa Chinese New Year, inalala rin ang lumalawak na impluwensya ng Spring Festival sa buong mundo—mula Singapore, Vietnam, South Korea, Malaysia, Thailand, North America, Japan, Europe, at Latin America. Patunay lamang ito na ang kulturang Tsino ay hindi lang nananatili sa loob ng China kundi tinatangkilik na rin ng iba’t ibang lahi.
Sa gitna ng masasarap na putahe at engrandeng dekorasyon ng Year of the Wooden Snake, hindi lang kasayahan ang bumalot sa gabing iyon kundi pati ang pagpapahalaga sa kasaysayan, kultura, at tagumpay ng mga Pilipinong may dugong Tsino. Tunay ngang ang pagkilala sa ugat ng ating lahi ay isang paraan ng pagpapahalaga sa ating identity bilang Pilipino.
Sa pagpasok ng Taong 4723 sa Chinese Lunar Calendar, panibagong taon na naman ng pagsusumikap, pagkakaisa, at tagumpay ang haharapin ng Filipino-Chinese community—at syempre, ng buong bansa. Gong Xi Fa Cai mga kaps!