
Nakumpiska ng mga tauhan ng Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS-MICP) ng Bureau of Customs (BOC) ang mga smuggled na mamahaling sasakyan sa isang warehouse sa Makati City.
Kabilang sa mga nasabat ang mga high-end na sasakyang tulad ng Ferrari, Porsche, at McLaren, na may kabuuang halaga na tinatayang P366 milyon.
Matatandaang noong Pebrero 13, nasabat din ng Customs ang smuggled luxury vehicles na nagkakahalaga ng P1.4 bilyon sa Pasay City at Parañaque City.
Ayon sa BOC, ang ACH High-End Motor Service Center, na matatagpuan sa J.P. Rizal St., Makati City, ang itinuturong nagbebenta ng mga nasabing sasakyan.
Ayon kay CIIS Director Verne Enciso, sinalakay ng CIIS MICP team, katuwang ang Task Force Aduana ng Philippine Coast Guard (PCG), ang nasabing kumpanya upang ipatupad ang Letter of Authority (LOA) at alamin kung may legal na dokumento ang mga inangkat na sasakyan.
Ilan sa mga sasakyang nakita sa warehouse ay Ferrari 488 Spider, Ferrari 812 Superfast, Porsche Targa, Mercedes-Benz G63 AMG, BMW M4, Lexus LC500, Porsche Cayenne, Bentley Bentayga, Land Rover Defender, Audi RS Q8, McLaren 720S, Ford Explorer, Li Xiang L7 SUV, Abarth 595 Competizione, MV Agusta Brutale 1000RR motorcycle, at dalawang Toyota Alphard luxury vans.
Ayon naman kay Deputy Commissioner for the Intelligence Group Juvymax Uy, patuloy nilang paiigtingin ang kampanya laban sa smuggling upang mapanatili ang patas at legal na kalakalan sa bansa.