
Inatasan ng Muntinlupa Regional Trial Court Branch 205 ang film maker na si Darryl Yap na tanggalin ang teaser ng pelikulang “The Rapist of Pepsi Paloma” mula sa lahat ng online platforms.
Ito ay matapos katigan ng korte ang motion for writ of habeas data na isinampa ng TV host at komedyanteng si Vic Sotto.
Sa desisyon na may petsang Enero 24, 2025, ipinag-utos ng korte ang pag-aalis ng 26-segundong teaser video dahil umano sa maling paggamit ng nakalap na impormasyon, kabilang ang pagpapakita ng usapan ng dalawang yumaong indibidwal na hindi mapapatunayan kung totoong naganap.
Gayunpaman, pinahihintulutan pa rin si Yap na ipagpatuloy ang produksyon at pagpapalabas ng pelikula.
Ayon sa pahayag ng korte, “The Petition for a Writ of Habeas Data filed by Petitioner Marvic ‘Vic’ Castelo Sotto is hereby partially granted. Respondent Darryl Ray Spyke B. Yap and any person or entity acting on his behalf, including the production team of Vin Centiments, are Ordered to delete, take down and remove the 26-second teaser video from online platforms, social media, or any medium.”
Samantala, sinabi ni Atty. Enrique Dela Cruz Jr., abogado ni Sotto, na nagpapasalamat sila sa naging desisyon ng korte. Dagdag niya, magpo-pokus na sila sa reklamong cyber libel na isinampa laban kay Yap, na may kabuuang 19 counts.
Matatandaang inihain ni Sotto ang writ of habeas data at sinundan ito ng pagsasampa ng reklamo kaugnay ng isyu.