
NAGLAHAD ng pag-aalala si Kabataan Partylist Rep. Raoul Manuel tungkol sa mataas na bilang ng panonood ng mga Pilipino sa PornHub, na aniya’y maaaring maging mapanganib at nakakaakit sa mga kabataang Pilipino.
Sa pagdinig ng House Committee on Basic Education and Culture kaugnay ng kontrobersyal na implementasyon ng Comprehensive Sexuality Education ng DepEd, binanggit ni Manuel na noong 2023, ang Pilipinas ang pumangalawa sa buong mundo sa paggamit ng PornHub.
“Talagang nakakaalarma na, kahit hindi tayo nangunguna, ang Pilipinas ay pangalawa noong Disyembre 2023 sa paggamit ng PornHub,” ayon kay Manuel.
Dagdag pa niya, bilang isang maliit na bansa, napabilang ang Pilipinas sa top 5 na may pinakamaraming manonood, kung saan ang mga kabataan na hindi nagagabayan ng kanilang mga magulang ay maaaring mahikayat, matukso, o gayahin ang kanilang napapanood, nang hindi nauunawaan ang posibleng masamang epekto nito.
Sa datos naman ng 2024, bumaba sa ikatlong pwesto ang Pilipinas sa viewership ng PornHub, kung saan nangunguna ang Estados Unidos, sinundan ng France.