Umabot sa P13.6 milyong halaga ng shabu ang nasamsam sa isang pinagsanib na buy-bust operation ng Philippine National Police (PNP) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) laban sa isang high-value drug personality sa Consolacion, Cebu.
Ayon sa ulat, isinagawa ang operasyon bandang alas-3:20 ng hapon nitong Biyernes sa District 2, Barangay Pulpogan, na nagresulta sa pagkakaaresto ng suspek na si Alias James, 46.
Narekober mula sa suspek ang ilegal na droga, buy-bust money, at isang KG-9 9mm rifle na may mga bala.
Ang mga nasamsam na ebidensya ay hawak na ngayon ng PDEA 7 Regional Laboratory para sa tamang disposisyon.
Kasong paglabag sa Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act) at Republic Act 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act) ang isasampa laban sa suspek.