Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pamamahagi ng mga nakumpiskang mackerel sa mga residente ng Baseco, Port Area, Maynila.
Sa ginanap na aktibidad, binigyang-diin ng Pangulo ang dedikasyon ng gobyerno sa pagsugpo sa smuggling at hoarding ng mga produktong agrikultura at pangisda.
“Naiba po ang pamasko namin. Imbes na hamon at lechon, isda, tulingan ang aming dala. Para naman hindi masayang,” ani Pangulong Marcos sa Benigno S. Aquino Jr. Elementary School Gym, kung saan idinaos ang pamamahagi.
Aabot sa 21,000 pamilya mula Barangay 649 sa Baseco ang tumanggap ng dalawang kilo ng mackerel bawat isa, sa ilalim ng programa ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Bukod sa Baseco, ipamamahagi rin ang mga nakumpiskang mackerel sa pinakamahihirap na barangay sa 17 iba pang lokal na pamahalaan ng Metro Manila, gayundin sa Obando at Meycauayan sa Bulacan, at Bacoor sa Cavite. Makikinabang din ang mga piling city jail, pampublikong ospital, at iba’t ibang pasilidad ng pangangalaga, na magdadala ng kabuuang benepisyo sa tinatayang 150,000 pamilya.
Ang mackerel na ito ay bahagi ng 21 container ng frozen fish na nagkakahalaga ng ₱178.5 milyon, na nakumpiska noong Setyembre 28 at 29 sa Manila International Container Port (MICP). Iniimbestigahan na rin ang consignee ng shipment dahil sa paglabag sa Memorandum Order No. 14, s. 2024, na nagsususpinde sa pag-issue ng Sanitary and Phytosanitary Import Clearances para sa importasyon ng round scad, mackerel, at bonito.