

Isa nang stage musical ang obra ng award-winning international film director-writer-producer na si Nijel de Mesa na unang nakilala sa teatro. Ang “Subtext”, isa sa mga dula niya na nanalo ng First Prize sa Don Carlos Palanca Awards for Literature ay mapapanood na sa entablado. Naging isang full-length movie ito at ngayo’y isa nang nakakakilig na musical! Ang kuwento ay tumatalakay sa mga pagsubok na kinakaharap ng mga tao sa pakikipagrelasyon at komunikasyon. Ilan sa mga naunang cast noon ay sina Victor Neri, Soliman Cruz, Lou Veloso, Harlene Bautista, Paolo Contis, Ciara Sotto, Boboy Garovillo, at Nova Villa. Pero sa kasalukuyang bersyon ay isa na itong musical . Tiyak na magugustuhan ng mga magkasintahan at pati na rin ang mga single ang musical na ito na garantisadong papana sa kanilang mga puso sa darating na Valentine’s month.
Ang “Ayoko na , Talo, Ewan ko, Meron din kaya , Ayoko na hindi ikaw” ay ilan lamang sa mga bagong orihinal na kanta na isinulat mismo ni Direk Nijel para sa dula. Dahil sa lakas ng dating nito ay marami ang makaka-relate at makaka-LSS. Ang musical arrangement ay ginawa naman ni Jopper Ril. Ang touring musical na ito ay dapat ding abangan ng ating mga kababayan abroad. Ang premiere cast ng musical version na ito ay kinabibilangan nina Shane Santos, Cherry Morena, Ced Recalde, Karl Tiuseco, Gaye Angeles, at Jiro Custodio mula sa NET25’s StarKada. Base sa reviews ng mga nakapanood ng premiere, marami ang pinakilig at pinatawa ng obrang ito ni Direk Njel. May kurot din sa puso ang kuwento ng ikatlong bahagi na kapupulutan ng mga kuntil butil na aral sa buhay.
Sigurado namang mapupukaw sa ikalawang bahagi ang GenZers at maging ang mga “ young at heart.” Maganda rin ang review sa first part na naghalong komedya at drama. Feeling mo ay nag-transport ka sa past sa panahong uso pa ang pisong text, at ang nakaugaliang pagbibigay ng sulat sa mga minamahal. Ito iyong tipong gusto mong ulit-ulitin kung trip mo to travel back memory lane. Mahusay ang anim na bida sa play na ito. Ang “Subtext” ay prodyus ng “One Acts Theater” division ng NDMstudios. Huwag palampasin ang kanilang natitirang performances sa Pebrero 1, 8, at 15, 2025, alas-7 ng gabi sa Sikat Studios Main Hall sa 305 Tomas Morato, Quezon City. Para sa mga tiket, mag-text o tumawag kay Ms. Junna Marie sa 09062266750.
