

SOBRANG lungkot at panghihinayang ang nararamdaman ng buong showbiz ngayon sa naging pagpanaw ng isa sa itinuturing na haligi ng movie industry at tinagurian ding isa sa mga Reyna ng Pinilakang Tabing… Si Ms. GLORIA ROMERO
Sino bang mahilig manood ng mga pelikula at mga palabas sa telebisyon ang hindi nakakakilala sa kanya?
Bukang-bibig siya ng mga lola, lolo, inay, tatay at mga anak nila. Ito ay dahil sa tagal ng panahon ng pagiging sikat niyang artista.
Kapag sinabing GLORIA ROMERO ay hindi lang siya basta respetadong artista. Taglay niya ang mga katangian ng isang idolo na mawiwili kang pagmasdan ang kanyang kaanyuan. Larga ang kanyang hitsura. Wala siyang pangit na anggulo. Dahil bilang unang katangian ay napakaganda ng kanyang mukha
Si Ms. Gloria Romero ay sikat na aktres, pero hindi mapagmataas. Puno siya ng kababaang loob sa kapwa.
Mapalad din kami, dahil sa simula ng aming pagsusulat ay nabigyan kami ng mga pagkakataong makapanayam si Ms. Gloria Romero, lalo na nung mga panahong laging nag-iimbita ng press si Kuya Germs (German Moreno) sa kanyang mga piling okasyon nung nabubuhay pa siya, na kadalasang ginaganap sa Vera-Perez Gardens ng Sampaguita Pictures dyan sa Valencia, QC tapat ng Regal Films.
Napakaraming tao sa showbiz at mga kapwa artista na nakasama ni Ms. Gloria Romero ang iiyak at hindi matatapos ang mga kuwento tungkol sa kabutihan ng yumaong aktres.
Maraming salamat sa kanyang naging ambag sa mundo ng pelikula. Hindi na natin siya makikita at makakasama, pero hindi natin siya makakalimutan. Hindi mabubura ang kanyang pangalan bilang matagal na naging bahagi ng makulay na mundo ng mga artista… Wala kang katulad, Ms. Gloria Romero.
